Calendar
Villanueva nanawagan ng pondo para sa pagbangon ng Mindanao
NAGHAIN si Sen. Joel Villanueva ng resolusyon na nananawagan sa pamahalaan na tiyakin ang pondo para sa relief, rehabilitation at reconstruction sa mga lugar sa Mindanao na tinamaan ng magnitude 7.8 na lindol.
Sa Senate Resolution No. 447, hinimok ni Villanueva ang gobyerno na maglaan ng sapat na pondo at pagkukunan para sa mga komunidad na naapektuhan ng lindol.
“Substantial resources will be required,” ani Villanueva.
Nagbibigay ng agarang tulong ang kasalukuyang disaster-response mechanisms, ngunit maaaring kailanganin ang karagdagang suporta ng pamahalaan dahil sa lawak ng rehabilitation at reconstruction work.
Dahil sa lindol, 9,393 katao ang nasa 26 evacuation centers na pinatatakbo ng pamahalaan habang 54,274 ang pansamantalang nakikitira sa mga kamag-anak o nasa pansamantalang tirahan sa labas ng evacuation centers.
Sa General Santos City, umabot sa P1 bilyon ang inisyal na damage assessment sa mga mall, ospital, hotel, simbahan, bangko at paliparan, batay sa datos ng Department of Public Works and Highways.
Binanggit sa resolusyon ni Villanueva ang posibleng epekto sa agrikultura, pangisdaan, logistics at kalakalan sa Mindanao kung hindi matutugunan ang pagkaantalang dulot ng lindol.
Nanawagan din ang resolusyon na maibalik ang transportation systems, water and power infrastructure, mga paaralan at health facilities.
Hinimok din nito ang pamahalaan na gawing resilient at climate-adaptive ang reconstruction.
Ayon kay Villanueva, kailangang matugunan ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga apektadong komunidad, mabigyan ng suporta ang mga lokal na pamahalaan at matulungan ang mga taga-Mindanao na makabangon matapos ang lindol.

