Pic4

Panukalang susuri sa juvenile justice law ihahain ni Sen. Aquino

66 Views

MAGHAHAIN si Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ng panukala upang suriin at amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act matapos ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.

Tututukan ng panukalang review ang mga probisyon ng batas kaugnay ng mga menor de edad na sangkot sa karumal-dumal na krimen.

Kinamusta niya ang kalagayan ng mga sugatang biktima at ang kanilang mga pangangailangan habang nagpapagaling sa mga sugat na tinamo sa shooting rampage.

Sinabi ni Aquino na bibigyang prayoridad ng komite ang pagpasa ng kanyang panukalang School Safety Act bilang tugon sa mga nagdaang insidente ng karahasan sa loob at paligid ng mga paaralan.

Ayon sa senador, nakatuon ang panukala sa bullying ngunit palalawakin na ito matapos ang Tacloban shooting, ang pananaksak sa labas ng isang high school sa Negros Occidental at iba pang insidenteng kinasasangkutan ng mga estudyante.

“Gagawin natin prayoridad ng Committee on Basic Education ang pagpasa ng ating School Safety Act,” ani Aquino.

Naghain din si Aquino ng Senate Resolution No. 469, na humihiling ng imbestigasyon sa mga pangyayari sa Tacloban school shooting.

Layunin ng resolusyon na palakasin ang school safety at maiwasan ang presensya at paggamit ng firearms at iba pang deadly weapons sa loob at paligid ng mga paaralan.

Nagpahayag din si Aquino ng suporta sa mga panukalang higpitan ang social media access ng mga batang wala pang 15 taong gulang, kasabay ng pagsasabing hindi dapat malantad ang minors sa harmful content sa murang edad.

Habang nasa Tacloban City, sinabi ni Aquino na nakatanggap siya ng impormasyon tungkol sa isa pang posibleng pag-atake sa isang paaralan at ipinaabot ito kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, na gumawa ng mga hakbang kaugnay ng nasabing impormasyon.

Sinabi ni Aquino na kailangan ang maagap at koordinadong pagkilos ng pamahalaan at pribadong sektor upang maprotektahan ang mga bata.

“Para magsimula ang paghilom, kailangan makamit ang hustisya at magsama-sama tayong kumilos para hindi na ito mangyari muli,” dagdag niya.