Sara Vice President Sara Z. Duterte

Patuloy na umaasa prosekusyon na mabuksan tax records ni VP Sara bago ang Hulyo 6 trial

51 Views

PATULOY na umaasa ang House prosecution na papayagan ng Senate impeachment court ang pagbubukas ng tax records ni Vice President Sara Z. Duterte bago magsimula ang kanyang paglilitis sa Hulyo 6, ayon kay House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.

Sinabi ni Adiong na ang pagbubukas sa selyadong kahon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng mga income tax return ng Bise Presidente ay para lamang sa pagmamarka ng mga dokumento bilang ebidensiya.

Aniya, mapapabilis nito ang mismong paglilitis at makatitipid ng oras ang impeachment court dahil hindi na kakailanganing isa-isahin pa ang pagmamarka ng mga tax document habang isinasagawa ang paglilitis.

Naalala ni Adiong na sa isinagawang pre-trial conference noong nakaraang linggo, kung saan minarkahan na ang lahat ng ebidensiya, iminungkahi ng prosekusyon ang pagbubukas ng selyadong kahon ng BIR at ang pagmamarka sa mga nilalaman nito.

Ngunit tinutulan umano ito ng depensa, kabilang na ang pagmamarka mismo sa kahon bilang ebidensiya.

“Ang gusto natin ay supervised opening, nandun ang depensa, nandun ang prosecution. But then… what we learned during the pre-trial conference ay tinutulan po ito ng depensa, even the marking of the box na iyon as evidence, kaya hindi po siya na-mark as evidence,” ani Adiong.

Sinabi niyang naghain na ang prosekusyon ng manifestation sa impeachment court upang ipagpatuloy ang panawagan na maipre-mark ang kahon at ang mga nilalaman nito bago magsimula ang paglilitis.

“Kaya ang nangyari po ngayon ay nag-submit po tayo ng ating pleading, ng appeal natin sa court na sana magkaroon ng pagkakataon na ma-pre-mark ito, but ’yung ating clerk of court, hindi naman po siya talaga ang dapat magresolba nito,” dagdag niya.

Umaasa aniya ang prosekusyon na ito ay mapagpapasyahan sa panahon ng paglilitis o bago pa man ito magsimula.

Binigyang-diin din ni Alonto Adiong na ang pagmamarka sa kahon at sa mga dokumento ay hindi nangangahulugang awtomatiko na itong tatanggapin bilang ebidensiya.

“Hindi naman po pag na-mark iyan ay hindi ibig sabihin na tatanggapin na iyan ng court. It would ultimately depend on the court kung ano po yung ia-accept nila as evidence,” aniya.

Plano ng House prosecution na gamitin ang mga tax record ng Bise Presidente bilang suporta sa reklamong impeachment kaugnay ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman nito.