Calendar
Adiong: Dapat pantay-pantay pananagutan sa batas para sa lahat

DAPAT ipatupad ang pananagutang kriminal nang pantay-pantay sa lahat, pahayag ni House impeachment spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, at iginiit na ang mga batas at polisiya ay dapat ipatupad nang walang kinikilingan.
“Well, tama po ’yun. It should be applied to all. Policies and laws should be applied to whoever. Dapat po ang tingin sa batas ay pantay-pantay,” ani Alonto Adiong.
Ito ang naging tugon ni Alonto Adiong sa tanong ng moderator ng Saturday News Forum na inihambing ang kaso ng isang 14-anyos na sangkot sa kamakailang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban at ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na umano’y nakalabas ng Senado noong Mayo habang sinusubukang ihatid ng mga awtoridad ang warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Binanggit ng moderator na maraming mamamayan ang nagpahayag ng pagkabahala sa posibilidad na makaiwas sa pananagutang kriminal ang menor de-edad dahil sa Juvenile Justice Law, samantalang may ilan namang pumuri kay Dela Rosa dahil umano sa pag-iwas nito sa pananagutan.
Ang insidente ng pamamaril sa Tacloban, kung saan dalawang 14-anyos na estudyante ang umano’y nagpaputok ng baril sa loob ng San Jose National High School, ay muling nagpasiklab ng debate hinggil sa batas ukol sa juvenile justice sa bansa.
Samantala, nananatiling hinahanap ng ICC si Dela Rosa kaugnay ng mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan na may kaugnayan sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.
Si Alonto Adiong ang nagsisilbing tagapagsalita ng House prosecution panel sa nalalapit na impeachment trial ni Bise Presidente Sara Z. Duterte.
Paulit-ulit niyang binigyang-diin na ang mga mekanismo ng pananagutan na itinatadhana ng Konstitusyon, kabilang ang impeachment, ay nakabatay sa prinsipyong walang sinumang opisyal ng pamahalaan ang nakahihigit sa batas.

