Sen. Raffy Tulfo Sen. Raffy Tulfo

Tulfo kinuwestiyon naantalang aksyon sa school safety measures ng DepEd

40 Views

TINANGGAP ni Sen. Raffy Tulfo ang hakbang ng Department of Education (DepEd) na higpitan ang seguridad sa mga paaralan matapos ang pamamaril sa campus sa Tacloban City.

Kinuwestiyon niya kung bakit ngayon lamang inaksyunan ang mga panukalang nauna na niyang inihain sa mga pagdinig sa Senado.

Makatutulong ang planong paggamit ng hand-held metal detectors at closed-circuit television cameras sa mga pampublikong paaralan upang mapabuti ang seguridad at makatulong sa pagkuha ng ebidensya kapag may nangyaring insidente, ayon sa senador.

Ayon kay Tulfo, una niyang inihain ang panukalang bigyan ng hand-held metal detectors ang mga security guard sa public schools sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education noong August 12, 2025.

Muli umanong binanggit ni Tulfo ang usapin noong March 17, 2026.

“Bagama’t umaksyon na ang DepEd, ang tanong ay bakit ngayon lang? Dati ko pang iminumungkahi ang mga ito pero bakit kinailangan pang maraming buhay ang masayang bago sila kumilos?” ani Tulfo.

Dapat magsilbing paalala sa mga ahensya ng gobyerno ang insidente na aksyunan agad ang mahahalagang problema bago pa may buhay na mawala o may masaktan.

“Ang insidenteng ito ay paalala sa ating mga kawani ng gobyerno na huwag nang magantay na may mamatay o masaktan pa bago tayo gumawa ng hakbang tuwing magkakaroon ng suliranin na kailangan ng agarang aksyon,” dagdag niya.