Calendar
Pinangunahan ni Sen Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality nitong Hulyo 1, 2026 ang pagdinig sa insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City. Kuha ni JOSEPH MUEGO
Hontiveros nagbabala vs extremists na ‘ginagamit’ gaming platforms sa pag-groom ng mga batang Pinoy


NAGBABALA si Senadora Risa Hontiveros na maaaring ginagamit ng global extremist networks ang online gaming platforms at fake digital identities upang targetin at i-groom ang mga menor de edad na Pilipino.
Inihayag ni Hontiveros ang pangamba sa public hearing ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality tungkol sa nihilistic violent extremism, kasunod ng madugong school shooting sa Tacloban City.
Kasunod ang pagdinig ng insidente sa Tacloban na ikinasawi ng tatlong high school students at ikinasugat ng 20 iba pa.
Sinabi ni Hontiveros na sinusuri ng komite kung paano maaaring gamitin ng violent online networks ang games at online communication spaces upang maabot ang vulnerable children.
“One angle that we are centering on today is this phenomenon of online grooming inside games,” sinabi ni Hontiveros.
Ayon sa kanya, pagpapatuloy ang pagdinig ng naunang inquiry tungkol sa school shooting attempt sa Laguna, kung saan tinalakay ng police cybercrime officials ang pagkalat ng nihilistic violent extremism na tumatarget sa kabataan at nagtutulak sa kanila sa self-harm o karahasan laban sa kapwa bata.
Binanggit ni Hontiveros ang grupong tinatawag na “764,” na inilarawan niya bilang global extremist network na tumatarget sa vulnerable minors online.
Sinabi niya na may mga indikasyon na maaaring naimpluwensiyahan ng 764 ang pamamaril sa Tacloban, ngunit binigyang-diin niyang kailangang beripikahin pa ang mga impormasyong nakuha.
“These are not yet final conclusions. Ang mga ito ay leads,” sinabi ni Hontiveros.
Sinabi niya na ipinadala na sa National Bureau of Investigation para sa verification ang impormasyong nakuha mula sa independent investigators tungkol sa online profiles at comments na iniuugnay sa Tacloban case.
Ayon kay Hontiveros, maaaring gamitin ng ganitong networks ang online games at platforms upang maghanap ng vulnerable minors, kunin ang kanilang tiwala, bigyan sila ng pakiramdam ng belonging, at kalaunan ay itulak sila sa mapanganib o marahas na gawain.
Ayon sa senadora, may ilang materyales na iniuugnay sa mga naturang network na may kinalaman sa sextortion, armas o eksplosibo, at iba pang mapanganib na content.
Nilinaw ni Hontiveros na hindi siya nananawagan ng total ban sa online games at hindi niya sinisisi ang gamers o gaming communities sa real-world violence.
“Let me be clear: I am not calling for a total ban on online games. Wala akong sinasabi na ang naglalaro ng games ay gagawa ng karahasan in real life. Fake news po iyon,” sinabi niya.
Sinabi niya na maraming kabataan ang naglalaro upang magpahinga, matuto, makipagkaibigan, at malibang.
“Hindi games o gaming community ang kalaban. Tungkol ito sa mga panganib na puwedeng kaharapin ng mga bata habang naglalaro at nakikipag-usap online,” sinabi ni Hontiveros.
Sinabi ni Hontiveros na kailangang tukuyin ng pamahalaan kung may mas malawak na network na sangkot at kumilos bago mas marami pang bata ang mapahamak.
Nagtaas din siya ng mga tanong kung paano nakakuha ng baril ang mga menor de edad na sangkot sa Tacloban incident, kung dapat bang repasuhin ang parusa sa mga magulang o caregiver, at kung dapat siyasatin ang early interventions sa mga paaralan para sa mga estudyanteng may mental health concerns.
Sinabi niya na kailangang magtulungan ang mga ahensya ng pamahalaan, law enforcement, paaralan, pamilya, komunidad, at online platforms upang maprotektahan ang mga bata laban sa online grooming at violent online networks.
Sinabi ni Hontiveros na dapat maagapan ang warning signs bago pa mauwi sa isa pang trahedya.

