Mass1 Tinatanggap ng mga miyembro ng House impeachment prosecution team at mga pribadong tagausig ang natatanging panalangin at basbas mula sa mga miyembro ng klero sa pagtatapos ng Mass for Truth, Justice and Accountability na idinaos sa Chapel of the Nativity ng Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City nitong Huwebes. Pinangunahan ng Clergy for Good Governance ang misa bilang paghahanda sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte sa Hulyo 6, kung saan hinimok ang prosecution team na iharap ang ebidensya nang may tapang, kalinawan, at katapatan sa katotohanan. Source: House of Representatives

‘Mass for Truth’ isinagawa bago ang opisyal na pagsisimula ng trial ni VP Sara

33 Views

NAGDAOS ng Banal na Misa ang mga miyembro ng clergy nitong Huwebes para sa House impeachment prosecution team, at hinikayat ang mga tagausig sa kasong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte na iharap ang ebidensya nang may tapang, kalinawan, at katapatan sa katotohanan.

Idinaos ang misa alas-9:00 ng umaga sa Chapel of the Nativity ng Immaculate Conception Cathedral of Cubao sa Quezon City.

Pinangunahan ito ng Clergy for Good Governance bilang pagpapakita ng pakikiisa sa prosecution team bago ang pagsisimula ng impeachment trial sa Hulyo 6.

Dumalo sa misa ang anim na public prosecutors na pinamumunuan ni House Lead Prosecutor Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, kasama ang mga House prosecutor na sina Rep. Joel Chua, Rep. Leila de Lima, Rep. Lorenz Defensor, Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao, at Rep. Ysabel Maria “Bel” Zamora. Nakibahagi rin sina private prosecutor at batikang abogado Lorna Kapunan at iba pang mga pribadong tagausig.

Si Fr. Bong Sarabia, CM ang naging pangunahing tagapagdiwang ng misa, habang si Msgr. Mel David ng Parañaque ang nagbigay ng homiliya. Dumalo rin ang mga paring naghain ng reklamo na sina Fr. Flavie Villanueva, SVD, Fr. Bong Sarabia, CM, Fr. Robert Reyes, at Fr. Joel Saballa, kasama ang mga concelebrant na sina Fr. Niño Etulle, SCJ, Fr. Choi Gliponeo, Fr. Raul “Puti” Enriquez, at Fr. Manoling Francisco, SJ.

Sa kanyang homiliya, inilarawan ni David ang paglilitis sa Hulyo 6 bilang isang mahalagang sandali ng pambansang pagninilay at pananagutan.

“Ang sambayanang Pilipino ay tumitingin sa Hulyo 6 bilang isang pagkakataon para sa buong sambayanang Pilipino na bumangon at maglakad,” ani David.

Sa kanyang mensahe sa mga public at private prosecutor, sinabi ni David na higit pa sa argumento sa korte ang kanilang tungkulin.

Aniya, pasan nila ang responsibilidad na tulungan ang bansa na harapin ang katotohanan matapos ang maraming taon ng pagkadismaya ng publiko kaugnay ng maling paggamit ng pondo, mga kuwestiyonableng gawain sa pambansang badyet, at mga programang kontra-kahirapan na nakabatay sa patronahe.

Binanggit ni David ang babala ng mga obispong Katoliko hinggil sa “nakahihiyang maling paggamit ng pampublikong pondo at mga yaman ng bayan,” gayundin ang “mga kuwestiyonableng dagdag, bawas, at pagbabago sa pambansang badyet,” na aniya’y malinaw na nakikita ng sambayanang Pilipino.

Inihalintulad niya ang papel ng mga tagausig sa paglilinaw ng malabong tubig upang tuluyang lumitaw at makita ang nakatagong katotohanan.

“Hahalukayin ninyo nang sa gayon ang katotohanan ay tuluyang lumabas at makita ng sambayanang Pilipino ang katotohanan,” ani David.

Hinimok ni David ang mga tagausig na hugutin ang kanilang lakas hindi sa kapangyarihan, posisyon, o papuri ng publiko, kundi sa pananampalataya at konsensya.

“Kailangan ninyong kumuha ng tapang, hindi mula sa lipunan ng tao, kundi mula sa Diyos,” aniya.

Dagdag pa niya, ang tungkuling ito ay nangangailangan ng higit pa sa husay sa batas.

“Kailangan ninyo ng karunungang hindi lamang nakabatay sa inyong kaalaman, kundi sa paggabay ng Espiritu Santo,” sabi ni David.

Ipinahayag din ni David ang kanyang pag-asang ang malinaw at tapat na paglalahad ng ebidensya ay makahihikayat sa mga senador-hukom na magpasya ayon sa katotohanan.

“Sa paglalahad ng katotohanan, naniniwala ako na marami sa ating mga senador-hukom ang mahihikayat at boboto para sa katotohanan,” ani David.