Sara2

Co: Taongbayan di si VP Sara tunay na biktima sa kasong impeachment vs Bise Presidente

27 Views

IGINIIT ng House prosecution panel na ang tunay na mga biktima sa kasong impeachment laban kay Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte ay ang sambayanang Pilipino na hanggang ngayon ay naghahanap ng mga sagot hinggil sa paggamit ng pondo ng bayan, hindi maipaliwanag na yaman, at uri ng pamumunong nagpapahintulot sa mga pagbabanta mula sa isang opisyal ng pamahalaan.

“Dadagdag lang din po, para po malinaw, ang biktima dito ay ang taong bayan. Ang biktima ay ang mga hindi nabigyan ng sapat na serbisyo, sana nabigyan ng mas maraming classrooms, ng scholarships, ng serbisyong pang-edukasyon o kaya naman pangkalusugan,” pahayag ni Kabataan Party-list Rep. Renee Co sa mga mamamahayag noong Martes.

Si Co, tagapagsalita ng House prosecution panel, ay tumutugon sa mga tanong kaugnay ng pahayag ni VP Duterte na “bloodied but unbowed,” na umani ng atensyon ng publiko habang umuusad ang impeachment trial sa yugto ng paghaharap ng ebidensya.

“Sana napunta doon ang pera but instead it went to the confidential and intelligence funds. Up until now, hindi pa rin nasasagot kung nasaan siya,” diin ni Co.

Ayon sa mga ulat, nagpakita si VP Duterte ng matatag na paninindigan habang umuusad ang paglilitis sa usapin ng umano’y mga pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Samantala, kabilang din sa Articles of Impeachment ang mga alegasyon ng maling paggamit ng pondo ng bayan, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at katiwalian.

“Up until now, hindi natin na-account for kung bakit may unexplained wealth in the billions na lumabas-pasok sa accounts ni VP Sara. And we’re here today and magpo-proceed ito hanggang matapos para malaman at siyempre magbigay ng hustisya sa mga biktima na ang taong bayan,” pagbibigay-diin ni Co.

Nilinaw ni Co na bagama’t maaaring gumagamit ang Pangalawang Pangulo ng matalinghaga o simbolikong pananalita upang ilarawan ang kanyang sitwasyon, nananatiling ang publiko ang itinuturing ng prosekusyon na tunay na biktima sa kasong ito.

“To clarify, ang sinabi po ni Cong. Ace, it could be a reference to the Invictus. But sa atin, in response to the question kung meron mang biktima dito sa sitwasyon, ito po ay ang mamamayan na hanggang ngayon ay nagtatanong kung nasaan ang pera na ginasta sa confidential and intelligence funds,” paliwanag ni Co.

Sinabi ng prosekusyon na ang paglilitis ang dapat magsilbing tamang pagkakataon upang tuluyang masagot ang mga tanong na matagal nang hindi nabibigyan ng kasagutan sa harap ng Senado bilang impeachment court.

“At parang ghinost kasi it’s been years and up until now we don’t have a response. We hope that this trial is the avenue for that response,” dagdag ni Co.

Ayon pa kay Co, nararapat lamang na marinig ng publiko ang parehong ebidensya ng prosekusyon at ang depensa ni VP Duterte, at hindi lamang ang mga teknikal na argumento.

“Para sa atin kailangan po ng mamamayan marinig ang ebidensya, makita ito, at pati ang sagot at depensa ni VP beyond technicalities. So ’yun po ’yung makakapagbigay ng kapayapaan sa ating lahat, makapagbigay ng closure para po hindi na maging hanging question sa atin kung saan napunta ang pera na ito, maging kung anong klase ng pamumuno ang nagpapairal ng pananakot sa ibang tao,” ani Co.