Calendar
Garin: Tumuon sa impeachment case di sa personal na atake sa prosecutors
KINONDENA ni Deputy Speaker Janette L. Garin nitong Biyernes ang aniya’y pambu-bully sa mga House prosecutor matapos silang atakihin sa social media ng mga tagasuporta ni Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte dahil sa hitsura ng ilang miyembro ng prosecution panel habang isinasagawa ang impeachment trial.
Aniya, dapat magpokus ang publiko sa mga ebidensya at hindi sa personal na paninira.
Nag-ugat ang mga batikos sa mga post at meme na kumalat sa social media matapos ang unang linggo ng paglilitis. Pinagtawanan ng ilang tagasuporta ni Duterte si lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro dahil sa nakitang laway habang binibigkas ang opening statement ng prosekusyon, gayundin si prosecution counsel Amando Virgil Ligutan na tila may sipon habang naghaharap ng ebidensya.
Nang hingan ng komento bilang isang manggagamot, sinabi ni Garin na ang mga pag-atakeng ito ay nagpapakita ng pagbaba ng antas ng pampublikong diskurso at walang batayang medikal o siyentipiko.
“Unang-una, ikinagugulat ko, bakit ba tayo pumupunta sa ganung kababa ng discourse?,” ani Garin sa isang press briefing.
Ipinaliwanag ng dating Kalihim ng Kalusugan na ang laway at panunuyo ng bibig ay normal na kondisyon ng katawan na maaaring dulot ng dehydration, matagal na pagsasalita, o pag-inom ng ilang maintenance na gamot, habang ang sipon naman ay dulot ng impeksiyong dulot ng virus.
“Normal na bahagi ng katawan ng tao ang laway. At kapag medyo nade-dehydrate ka, o umiinom ka ng maintenance medications, maaari talagang makaranas ng panunuyo ng bibig. Normal ba ito? Oo! Kaya bakit doon tayo nakatuon?,” aniya.
Pinasinungalingan din ni Garin ang mga kumakalat na pahayag sa internet na ang pagkakaroon ng laway o sipon ay palatandaan ng pagsisinungaling.
“Never in the history of the medical community has colds or sipon been a cause of lying,” aniya.
Sinabi niyang inililihis ng mga ganitong pag-atake ang atensyon ng publiko mula sa tunay na mga isyung dinidinig ng Senate impeachment court.
“Hindi rin natin puwedeng i-focus sa laway o kung anuman ‘yan, kasi ang tanong doon, tama ba ang sinasabi nila? Nagsisinungaling ba ang ating mga abogado at mga prosecutor? Ginagawa ba nila ang kanilang tungkulin?,” ani Garin.
Tinawag ni Garin na bullying ang panlalait sa internet at binigyang-diin na ginagampanan lamang ng prosecution panel ang kanilang tungkuling itinatadhana ng Konstitusyon.
‘Hindi! Kailangan bang pagtawanan ‘yan? Hindi! Bullying ‘yan. Ginagawa lamang ng mga prosecutor ang kanilang trabaho,’ aniya.
Hinimok niya ang publiko na itigil ang pagpapakalat ng maling impormasyon at ibalik ang talakayan sa tunay na usapin ng impeachment case.
‘Nariyan na ang impeachment court. Ipagpatuloy, tapusin, at sagutin ang mga dapat sagutin. Huwag nating ilihis ang usapan. Iwasan natin ang personal na pag-atake. Magpokus tayo sa isyung kinakaharap,’ ani Garin.
Samantala, sinabi ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na pisikal na nakakapagod ang pagharap sa Senate impeachment court. Aniya, noong una ay hindi pa sila pinapayagang magdala ng inuming tubig sa loob ng session hall.
‘Nandoon din ang stress, nandoon din ang tension,’ ani Chua.
Naalala niyang sa unang araw ng paglilitis ay pinigilan siya ng security personnel na magdala ng tubig sa loob ng bulwagan at kinailangan muna niya itong ubusin bago makapasok.
‘Noong unang araw, may dala akong tubig pero hindi ako pinayagang ipasok ito dahil bawal daw sa loob,’ aniya.
Pinasalamatan ni Chua si Senadora Pia Cayetano sa mungkahi nitong payagan ang mga prosecutor na magkaroon ng tubig habang nagpapatuloy ang paglilitis.
“Napakahirap magsalita roon kapag tuyong-tuyo na ang bibig mo. Hindi rin naman madaling magsalita sa harap ng ating mga kagalang-galang na senator-judges at sa harap ng publiko,” ani Chua.

