BI

BI: Mag-ingat sa scammer, dumaan sa tamang ruta

Mar Rodriguez Jul 19, 2026
106 Views

NAGBABALA ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko hinggil sa pang-aabuso sa lehitimong biyahe matapos ang insidente ng Filipina na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Hulyo 8 na nagsabing bibisita sa kanyang ina sa abroad ngunit nauwi sa pagkakabiktima sa isang scam hub sa Cambodia.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), lumabas na umalis ang 29-anyos na babae sa Pilipinas noong Agosto 2025 matapos ideklara sa immigration officers na bibisita lamang sa kanyang overseas Filipino worker na ina sa Cambodia.

Kalaunan ay natuklasan na siya ay na-recruit sa pamamagitan ng Facebook bago lumipat ang komunikasyon sa Telegram kung saan inalok siya ng trabaho bilang customer service representative na may pangakong sahod na $1,000 kada buwan.

Sa halip, napilitang magtrabaho ang biktima bilang scammer sa loob ng isang fraud operation at nakatanggap lamang siya ng sahod sa unang apat na buwan bago tuluyang itigil ang pagbabayad kahit patuloy siyang pinagtatrabaho.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, malinaw na ipinapakita ng insidente ang panganib ng pagtatago ng tunay na layunin ng biyahe sa mga awtoridad.

“Ang kasong ito ay paalala na ang tapat na deklarasyon sa ating mga paliparan ay hindi basta pormalidad lamang. Kapag itinago ng mga biyahero ang tunay na dahilan ng kanilang paglalakbay, nalalampasan nila ang mga safeguard na nakalaan upang protektahan sila laban sa ilegal na recruitment, human trafficking at pagsasamantala,” ani Viado.

Ibinunyag din ng BI na tatlong iba pang Filipina, edad 23, 25 at 28, ang na-repatriate mula Myanmar sa parehong araw matapos mabiktima ng kaparehong modus ng online recruitment.

Naakit sila sa pamamagitan ng Facebook at Telegram na nag-alok ng housekeeping at customer service jobs na may pangakong sahod na $1,000 kada buwan pero napilitang magtrabaho sa loob ng scam compounds bilang online scammers at recruiters.

Dalawa sa mga biktima ay ipinuslit palabas ng bansa gamit ang tinatawag na “backdoor” route na may pekeng immigration stamps upang makaiwas sa border controls.

Isa naman ang umalis nang legal bilang turista ngunit nauwi rin sa parehong mapagsamantalang kalagayan.