Calendar
Matibag tinibag ang depensa ni VP Sara
TINIBAG ni National Bureau of Investigation (NBI) Director – Atty. Melvin Matibag ang depensa ni Vice President Sara Z. Duterte na “conditional threat” lamang ang kanyang banta laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Binigyang-diin ng House Prosecution Panel na pinahina at giniba ng testimonya ni Matibag ang depensa ni VP Duterte na ang umano’y banta nito laban kay Pangulong Marcos, Jr. at sa kanyang pamilya ay isang “conditional threat” lamang.
Ayon sa panel, lumabas sa imbestigasyon ng NBI na ito ay isang planado at aktibong banta.
Sinabi ni legal spokesperson at House prosecutors counsel Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., na ipinakita ng testimonya ni Director sa Senate Impeachment Court na hindi lamang isang viral na video ang sinuri ng NBI, kundi ang kabuuan ng mga pangyayari kaugnay ng pahayag ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024.
“Malinaw na ‘yan mismo ang sinabi ng NBI Director Matibag kahapon. Nang tingnan itong totality of circumstances, naging malinaw sa kanila na hindi isang viral video lamang. Ito ay isang concerted and active threat,” ayon kay Tolosa.
Ipinaliwanag pa ni Tolosa na pinatibay ng resulta ng imbestigasyon ng NBI ang paninindigan ng prosekusyon na higit pa sa isang kondisyonal na banta ang naging pahayag ni Duterte.
“Makikita sa pamilya nila. Pare-pareho ‘yung sinasabi, gusto nila ang ulo ng Presidente. So tama ho ‘yan. We agree sa statement na mas pinagtibay pa nito na talagang may plano talaga. And in fact, again, nagkaroon ng kasunduan para isagawa itong plano na ‘to,” dagdag pa ni Atty. Tolosa
Samantala, sinabi ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Francisco Paolo P. Ortega V na naging mahalagang bahagi ang testimonya ni Matibag upang mabuo ang kabuuang larawan ng mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon.
“Tama po si Atty. Jay. Na-establish po ‘yun. Kumbaga, sabi ko nga, nabuo na, nabuo na ‘yung bigger picture,” sabi ni Ortega.
Ayon pa kay Ortega, magkakatugma ang mga ebidensiyang iniharap sa impeachment court at nagpapakita ang mga ito ng isang aktibong banta, hindi lamang isang kondisyonal na pahayag.
“Kumbaga sa buzzwords, parang maririnig mo na lang palagi, ulo, bugot, libing, hukay, bloodbath, dugo, parang ‘yun na lang ang mga buzzwords na lumalabas. Nakakalungkot. Nakakaalarma actually. Kaya again, never naman na conditional threat ‘yung pagkakatingin natin dito. Talagang active threat po talaga siya, which continues to be. Alam naman ng taumbayan, nakikita nila ‘yung mga nangyayari,” dagdag pa ni Ortega.
Samantala, iginiit naman ni House prosecutor at 1-RIDER Party List Rep. Rodge Gutierrez na ang prosekusyon ay umaasa sa opisyal na resulta ng imbestigasyon ng NBI, ngunit kinilala niyang ang Senate Impeachment Court pa rin ang may kapangyarihang magpasya kung gaano kabigat ang naturang ebidensya.
“Siguro we don’t want to prejudge it, and we definitely don’t want to say any conclusion of loss here. But as Atty. Jay said, this is the report of the NBI,” ani Gutierrez.
To God be the Glory

