Barbers

Barbers nanawagan sa Senate impeachment court na aksyunan kumakalat na fake news

Mar Rodriguez Jul 30, 2026
71 Views

NANANAWAGAN si House prosecution spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers sa Senado bilang impeachment court sa paglilitis laban sa respondent na si Vice President Sara Z. Duterte na tugunan nito ang di-umano’y pagkalat ng mga peke at mapanlinlang na nilalaman (content) na sinasabing nagmumula sa hanay mismo ng mga Senator-judge.

Sinabi ni Barbers, dating Chairman mg House Committee on Dangerous Drugs, na responsibilidad ng pamunuan ng Senado at ng mga kasapi ng Impeachment Court na tiyaking napapanatili ang integridad at pagiging patas ng mga paglilitis.

Nang tanungin kung sino ang dapat umaksyon sa isyu, sinabi ni Barbers na nakasalalay ito sa Presiding Officer at sa mga senator-judge.

“Well, itong issue na ito, siyempre, ang panawagan natin ay sa Presiding Officer at sa buong Impeachment Court na i-police nila ang kanilang hanay. Sila mismo ang maging ‘police’ sa kanilang hanay. Tingnan nila kung sino ang lumalabas sa linya o sino ang nagva-violate sa ating rules,” wika ni Barbers.

Ginawa ni Barbers ang panawagan matapos kumalat ang isang Facebook post mula sa account ni “Sen. Pia Cayetano” na ayon sa House prosecution panel, ay naglalaman ng isang “spliced” o inedit na video ng naging palitan nina Sen. Cayetano at House prosecutor na si Rep. Chel Diokno sa oral arguments.

Ayon sa prosekusyon, ang naturang video ay nagbigay ng maling impresyon na ang House prosecution panel ay nagsasagawa ng isang “fishing expedition” nang hilingin nito sa korte ang pagpapalabas ng subpoena para sa mga bank account at iba pang financial records ng Bise Presidente.

Bagama’t kinondena niya ang pagkalat ng aniya’y peke at minanipulang video, sinabi ni Barbers na nananatili ang kanilang paniniwala na nasaksihan ng publiko ang aktwal na pagdinig at nauunawaan ang tunay na nangyari.

“Sa prosecution side, sa aking paniwala, walang epekto. Pero sa integrity ng mga senator-judges, may malaking question. Kapag ang isang senator-judge ay nagpapakita ng bias o pagpanig sa isang side habang ito’y nililitis, parang may violation iyon sa kanilang rules,” ayon kay Barbers.

Binigyang-diin ni Barbers na ang isyu ay hindi lamang tungkol sa prosekusyon kundi sa kredibilidad ng Senado bilang impeachment court.

“Dinig na dinig ng ating mga kababayan kung ano ang totoong nangyari. We do not expect that coming from a senator-judge ay ilalabas ang ganitong fake at spliced video. Kaya nga ang panawagan namin, dahil alam naman nila kung ano ang totoong nangyari, kung maaari sana ay sila na mismo ang mag-rectify nito,” dagdag pa ng dating mambabatas.

Muling nanawagan ang House prosecution panel sa Senate impeachment court na gumawa ng mga kinakailangang hakbang upang mapangalagaan ang integridad, pagiging patas, at kredibilidad ng impeachment proceedings sa pamamagitan ng pagtugon sa umano’y pagpapakalat ng mga minanipulang nilalaman na may kaugnayan sa paglilitis.

To God be the Glory