Villar

Pananaksak sa LP school nag-udyok kay Villar itulak LIGTAS Act

32 Views

MULING nanawagan si Sen. Mark Villar sa pagpasa ng LIGTAS (Learning Institution’s Guaranteed Threat Avoidance and Safety) Act matapos masawi sa pananaksak ang Grade 9 student sa Las Piñas National High School noong Biyernes.

Trese anyos ang biktima na sinaksak ng 14-anyos na kapwa estudyante matapos ang pagtatalo sa harap ng isang silid-aralan sa ikaapat na palapag ng campus.

Idineklarang patay dakong alas-4:53 ng hapon sa Las Pinas District Hospital ang biktima.

Dinala sa kustodiya ang isa pang estudyante at isinangguni sa city social welfare office.

Kinondena ni Villar ang insidente at sinabing dapat manatiling ligtas ang mga paaralan upang makapag-aral ang mga bata nang walang takot sa karahasan.

“Ang ating mga paaralan ay dapat manatiling lugar ng kaligtasan, pagkatuto at pag-asa—hindi lugar kung saan nalalagay sa panganib ang buhay ng ating mga kabataan,” ani Villar.

Nagpaabot siya ng pakikiramay sa pamilya ng biktima at sinabing nagbibigay ng tulong at suporta ang kanyang tanggapan sa naulilang pamilya.

Nanawagan si Villar sa mga lokal na awtoridad ng pamahalaan na magsagawa ng mabilis at masusing imbestigasyon at matiyak ang pananagutan.

Nanawagan din siya para sa mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan upang maiwasang maulit ang katulad na insidente.

Sinabi ng mga opisyal sa edukasyon na nakikipag-ugnayan sila sa pulisya at mga lokal na awtoridad para sa masusi at patas na imbestigasyon.

Sinusuri rin umano ang mga patakaran sa seguridad ng paaralan, habang inaasahang magbibigay ang guidance personnel ng psychological first aid at psychosocial support sa mga apektadong estudyante, guro at iba pang tauhan ng paaralan.

Hiniling din ng mga opisyal sa publiko na igalang ang privacy ng mga sangkot at ng pamilya ng biktima at iwasang magpakalat ng hindi beripikadong ulat, larawan at video.

Layunin ng panukala na dagdagan ang police visibility sa paligid ng mga paaralan at magpatupad ng koordinadong pagtatasa sa mga posibleng banta sa seguridad.

Magkakaroon din ito ng direktang emergency hotlines na mag-uugnay sa mga paaralan sa pulisya, bumbero at iba pang response units.

Iminumungkahi rin nito ang estratehikong paglalagay ng closed-circuit television cameras at angkop na security-screening systems, kasama ang safety and security training para sa mga estudyante, guro at iba pang school personnel.

Hindi pa natutukoy sa imbestigasyon kung kulang ang paaralan sa alinman sa mga safeguard na nakapaloob sa panukala o kung maaari sanang napigilan ng mga ito ang pananaksak.