Calendar
Prosekusyon tutok sa trabaho, ‘di sa trolls–Barbers
BINIGYANG-DIIN ni House prosecution spokesperson at impeachment adviser Robert Ace Barbers na nakatutok ang prosekusyon sa kanilang trabaho at hindi sa mga online trolls.
Iginiit ni Barbers na nakatuon ang House prosecution panel sa paghaharap ng ebidensiya sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte sa halip na magpaapekto sa mga batikos at pag-atake sa social media.
“Mga ilang taon na ‘yung mga lumabas noong Quad Comm, noong Good Government sandamakmak na trolls na,” ani Barbers.
Sinabi niya na ang pagtugon sa bawat batikos sa social media ay maglilihis lamang sa kanilang pangunahing tungkulin sa harap ng Senate Impeachment Court.
“Ako, hindi ko na talaga pinapansin ‘yan. Basta kami, focus lang kami sa aming trabaho,” aniya.
Binigyang-diin din ng dating kongresista ang kahalagahan ng mga pampublikong forum upang maipaliwanag sa publiko ang mga nangyayari sa paglilitis at matulungan ang mga mamamayan na maunawaan ang pagkakaiba ng mga ebidensiyang inihaharap sa korte at ng mga impormasyong kumakalat sa social media.
“Kaya nga malaking bagay ang mga ganitong forum para at least naliliwanagan at nauunawaan ng ating mga kababayan,” dagdag ni Barbers.
Hindi naman tinukoy ng mambabatas ang anumang partikular na social media account o grupo, ngunit hinikayat niya ang publiko na suriin ang kabuuang paglilitis bago paniwalaan ang mga impormasyong nakikita online.
“Hinihiling ko sa ating mga kababayan, para hindi sila malilinlang, manood sila,” aniya.

