Martin

ROMUALDEZ KINUWESTYON OMB SA PAGGAMIT NG TESTIGO NA MAY KASO

39 Views

KINUWESTYON noong Biyernes ni dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang patuloy na paggamit ng Office of the Ombudsman sa mga testigong, aniya, ay matagal nang nawalan ng kredibilidad sa publiko at ngayon ay nahaharap na sa mga kasong cyberlibel at perjury.

Sa isang pahayag, sinabi ni Romualdez na ang hinihiling lamang niya ay pantay na pagtrato sa ilalim ng batas habang nagpapatuloy ang paunang imbestigasyon sa kontrobersiya kaugnay ng flood control projects.

“Pantay na hustisya lamang ang hinihingi ko,” ani Romualdez.

Binatikos niya ang umano’y paggamit ng Ombudsman sa mga testigong, ayon sa kanya, ay “siya mismo at ngayon ay maging ang Department of Justice (DOJ) ay hayagang pinabulaanan at nawalan na ng kredibilidad.”

Tinukoy rin ni Romualdez na ang mga naturang indibidwal ay nahaharap na ngayon sa mga reklamong cyberlibel at perjury.

“Ngunit ginagamit pa rin ng Ombudsman ang mga testigong siya mismo at ngayon ay ang DOJ ay hayagang pinabulaanan na, at nahaharap na rin sa mga kasong cyberlibel at perjury,” aniya.

Kinuwestiyon din niya ang pagiging patas ng isinasagawang imbestigasyon.

“Ito ba ang patas na imbestigasyon?” tanong ni Romualdez.

Idinagdag pa niya na ang mga testigong dati nang ibinasura at kalaunan ay kinasuhan ay ginagamit pa rin umano laban sa kanya.

“Mga testigong ibinasura na, kinasuhan pa ng cyberlibel at perjury—gagamitin pa rin para lang ituro ako at ako lamang,” ani Romualdez.

Sa kabila nito, sinabi niyang haharapin pa rin niya ang proseso ng imbestigasyon.

“Hindi ako uurong sa laban na ito. Hindi ako matitinag. Gawin natin ang tama,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ng Department of Justice (DOJ) noong Miyerkules na nakapagsampa na ito ng mga kasong perjury at cyberlibel laban sa 18 dating bodyguard ng puganteng dating kongresista na si Zaldy Co at sa kanilang abogado.

Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, ang mga Information ay isinampa noong Martes sa mga Regional Trial Court (RTC) sa Caloocan, Las Piñas, Muntinlupa, at San Juan.

Nag-ugat ang mga kaso sa magkakahiwalay na reklamo kaugnay ng paglagda at pagpapakalat ng isang pinagsamang sinumpaang salaysay, mga press conference at panayam, social media posts, at iba pang online publications.

Ang tinaguriang 18 “maleta boys” ay sinampahan ng 10 magkakahiwalay na Information na kinabibilangan ng anim na bilang ng cyberlibel sa ilalim ng Section 4(c)(4) ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, at apat na bilang ng perjury.

Kasama ring kinasuhan bilang co-accused si Atty. Levito Baligod sa ilan sa mga naturang Information.