Martin1

Ex-Speaker Romualdez nanawagan ng patas na pagtrato

Mar Rodriguez Jul 31, 2026
38 Views

NANANAWAGAN si dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ng patas na pagtrato sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon kasunod ng kanyang pahayag na ginagamit umano laban sa kanya ang mga testigong dati nang kinasuhan.

Iginiit ng kongresista na ginagamit umano ng Office of the Ombudsman ang mga testigong nauna nang pinabulaanan ng mismong Ombudsman at ng Department of Justice (DOJ) sa publiko at nahaharap na rin umano sa mga kasong cyberlibel at perjury.

“Pantay na hustisya lamang ang hinihingi ko,” ani Romualdez.

Kinuwestiyon din niya ang pagiging patas ng isinasagawang imbestigasyon.

“Ito ba ang patas na imbestigasyon? Mga testigong ibinasura na, kinasuhan pa ng cyberlibel at perjury gagamitin pa rin para lang ituro ako at ako lamang,” sabi ng dating House Speaker.

Tiniyak ni Romualdez na hindi siya uurong sa kinakaharap na usapin. “Hindi ako uurong sa laban na ito. Hindi ako matitinag. Gawin natin ang tama,” dagdag pa ni Romualdez.

Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Office of the Ombudsman kaugnay ng mga sinabi ni Romualdez.