Bucoy

Public interest lawyer tinanong Ombudsman kung bakit dating Speaker Romualdez ang tinatarget

32 Views

KINUWESTYON ng public interest at human rights lawyer na si Antonio “Audie” Bucoy ang Office of the Ombudsman (OMB) kung bakit partikular nitong tinatarget si dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ginagamit ang mga testimonya na mismong Ombudsman na ang nagdeklara noon na hindi kapani-paniwala.

Ayon kay Bucoy, ginagamit ng OMB laban kay Romualdez ang mga salaysay ng walong dating bodyguard ng dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, kahit ang mga ito ay dati nang ibinasura ng Ombudsman at ng Department of Justice (DOJ) dahil umano’y hindi kapani-paniwala.

Sinabi niyang ang walong ito ay kabilang sa 18 dating “maleta boys” ni Co na ang lahat ng testimonya ay nauna nang itinakwil ng OMB at DOJ.

“Ginagamit nila itong walo na dati ng tinuligsa na salaysay nung 18 upang itampok ang dating Speaker,” ani Bucoy.

Binigyang-diin niya na pabor siya sa pananagutan ng mga opisyal, ngunit dapat itong nakabatay sa mapagkakatiwalaan at matibay na ebidensiya.

“Ako po ay sa pananagutan. Subalit ang pananagutan po ay dapat ayon sa kapani-paniwala, lehitimo at matibay na katibayan,” dagdag niya.

Iginiit ni Bucoy na tila binabaluktot ng Ombudsman ang kinakailangang pamantayan ng ebidensiya sa mga imbestigasyon upang maituon ang kaso laban kay Romualdez.

“Hindi po pwedeng baluktutin ang pamantayan eh. Pag ito binaluktot mo yung pamantayan, sa isang banda, susunod ka sa nasabing pamantayan o standard of evidence. Sa isa naman, hindi mo susundin upang itampok mo ang iisang tao na sa sitwasyong ito ay si Speaker Romualdez,” aniya.

Ayon sa kanya, kung maaaring mangyari ito sa isang dating pinuno ng Kamara, maaari rin itong mangyari sa mga karaniwang Pilipino na nasa kaparehong sitwasyon.

“Kung ganun ho ang mangyayari, eh nakakabagabag-loob ho yan sa mga ordinaryong mamamayan. Kung ang isang mataas na opisyal ay maaring usigin sa maling pamamaraan, pano yung ordinaryong tao lamang na walang ganung kakayanan,” sabi ng public interest lawyer.

Aniya, dapat iisa at pare-pareho ang pamantayang ginagamit sa pagsusuri ng ebidensiya sa lahat ng imbestigasyon, bagay na aniya ay hindi nasunod ng mga imbestigador ng Ombudsman.

“Ang lumalabas po dito ngayon ay hindi iisa, hindi pantay at hindi pareho yung pamantayan ng pagtimbang ng katibayan. Sa wikang Ingles po at sa usaping legal ito yung tinatawag na consistency in the standard of assessment of evidence,” aniya.

“Pano po magiging iba yung pamantayan ng DOJ na nagsabing perjurious at pano mo naman gagamitin ang Ombudsman na itong parehong testimonya na Ombudsman mismo ang nagpawalang bisa sa dismissal nung sinasabing salaysay?,” tanong ni Bucoy.

Sa isang pahayag noong weekend, sinabi naman ni dating Speaker Romualdez na ang tanging hinihingi niya sa Ombudsman ay patas na pagtrato.

“Pantay na hustisya lamang ang hinihingi ko. But the Ombudsman is using witnesses he himself and now the DOJ have already publicly discredited — and who are now facing cyberlibel and perjury charges.

“Ito ba ang patas na imbestigasyon?

“Mga testigong ibinasura na, kinasuhan pa ng cyberlibel at perjury — gagamitin pa rin para lang ituro ako at ako lamang.”

Muling iginiit ng kongresista ng Leyte na handa siyang harapin ang mga kasong pinaplano umanong isampa laban sa kanya ng Ombudsman.

“Hindi ako uurong sa laban na ito. Hindi ako matitinag. Gawin natin ang tama,” ani Romualdez.