Abante

Abante: ‘Di pangkaraniwang transaksyon naglalagay sa usapin ng pananagutan ni VP Sara

Mar Rodriguez Aug 1, 2026
33 Views

SINABI ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na ang testimonya ng dalawang dating branch manager ng Land Bank of the Philippines (LandBank) hinggil sa pag-withdraw ng P612.5 milyon na confidential funds na tinawag nilang “hindi pangkaraniwan” ay naglalagay sa pagsusuri sa pagiging wasto at pananagutan ni Vice President Sara Duterte sa harap ng Senate Impeachment Court.

Ang usapin ay hindi lamang kung may nalabag na batas, kundi kung naging tama at nararapat ang mga transaksyon para sa isang opisyal ng gobyerno na pinagkatiwalaan ng daan-daang milyong pisong pondo ng bayan, ayon kay Abante.

“Ang tanong ay hindi lamang kung legal ang mga transaksyon. Ang mas malaking tanong ay kung tama ba ang mga ito. Iyan ang hinihingi ng pananagutan sa isang opisyal ng bayan, lalo na sa Bise Presidente,” ani Abante.

Ginawa ni Abante ang pahayag matapos humarap sa impeachment court sina dating LandBank Shaw Boulevard branch manager Violeta Constantino at dating LandBank Department of Education (DepEd) branch manager Nenita Camposano.

Kinumpirma ni Constantino na apat na Treasury check na nagkakahalaga ng P125 milyon bawat isa o P500 milyon para sa Office of the Vice President (OVP) ang na-encash sa kanyang sangay.

Samantala, sinabi ni Camposano na ang mga Treasury check ng DepEd na nagkakahalaga ng kabuuang P112.5 milyon ay ipinapalit din sa cash.

Hindi pangkaraniwan ang transaksyon dahil sa laki ng halaga at inilabas ang pera sa pamamagitan ng fire exit sa halip na sa pangunahing pasukan ng bangko, ayon kay Camposano.

“Parehong beteranong banker ang dalawang testigo. Wala silang sinabi na ilegal ang mga transaksyon. Ngunit pareho nilang pinatotohanan sa ilalim ng panunumpa na hindi ito pangkaraniwan,” ani Abante.

Binigyang-diin ni Abante na ang impeachment ay hindi isang kasong kriminal kundi isang prosesong konstitusyonal upang malaman kung nananatiling karapat-dapat ang isang opisyal sa tiwalang ipinagkaloob ng publiko.

Ayon kay Abante, nailipat na ngayon ang usapin mula sa teknikal na proseso ng transaksyon sa bangko tungo sa pagsusuri sa naging pagpapasya at pamamahala ng Bise Presidente sa paggamit ng pondo.

“Kung ordinaryo ang lahat ng tungkol sa mga transaksyong ito, bakit mismo ang mga beteranong bank manager ang nagsabing hindi ito pangkaraniwan?” dagdag niya.

Iginiit ni Abante na ang pangunahing usapin ay hindi lamang pagkakasala kundi kung ang mga ginawa ay naaayon sa inaasahang pamantayan ng etika at moralidad para sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.