DHSUD: Mas dumarami ISFs na nakikinbang sa ECMP

Jun I Legaspi Aug 1, 2026
40 Views

MAS dumarami pa ang mga informal settler families (ISFs) ang nakikinabang sa Enhanced Community Mortgage Program (ECMP) sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Pinangungunahan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), sa pamamagitan ng Social Housing Finance Corporation (SHFC), muling isinulong ang ECMP sa ilalim ng Expanded 4PH mula ng manungkulan si Secretary Jose Ramon Aliling noong 2025.

Kamakailan sa Isabela, mahigit 700 indibidwal ang ginawaran ng tseke para sa pagbili ng lupang matagal na nilang tinirhan. Ang mga benepisyaryo ay kasapi ng Plaridel Village CMP Homeowners’ Association, Inc. sa Brgy. Plaridel, Santiago, Isabela.

Ang Plaridel Village HOA ang ika-25 ECMP project na nakatanggap ng tulong para sa land acquisition mula nang muling ilunsad ang programa.

Pinangunahan ang awarding nina DHSUD Regional Office 2 Director Marvin Feraren, SHFC North Luzon Vice President Jones Tomas, at mga opisyal ng LGU.

“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong BBM, mas paiigtingin pa natin ang pagpapalawak at pagpapaganda ng ECMP sa iba’t ibang bahagi ng bansa,” pahayag ni Secretary Aliling.

Nauna nang isinagawa ang mga awarding events sa Zamboanga City, Bacolod at Cagayan bilang bahagi ng Expanded 4PH.

Sa Cagayan, 77 pamilya mula sa Ibay CMP Homeowners’ Association, Inc. sa Brgy. Gadu, Solana ang nakatanggap ng tulong para sa pagbili ng 1.1-ektaryang lupang kanilang tinitirhan.

Sa Cordon, Isabela, mahigit 134 pamilya mula sa Amianan CMP Homeowners’ Association sa Brgy. Sagat ang nakatanggap ng tseke para sa land acquisition assistance.

Sa Brgy. Cabug, Bacolod City, mahigit 200 benepisyaryo mula sa LK Yuman Homeowners’ Association, Inc. Phases 1 at 2 ang nakatanggap ng tulong upang tuluyang mabili ang kanilang lupang tinitirhan.

Sa Zamboanga City, 115 miyembro ng Maria Navarro Homeowners’ Association, Inc. ang nagtapos sa 17 taong paghihintay matapos igawad ang tseke para sa kanilang lupain.

Sa kasalukuyan, 47 ECMP projects na ang naaprubahan ng DHSUD at SHFC na makikinabang ang mahigit 8,100 pamilya.

Ang mga milestone na ito sa iba’t ibang rehiyon ay patunay ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng Expanded 4PH Program habang patuloy na pinagtitibay ng DHSUD at SHFC ang security of tenure at pagbibigay ng ligtas, abot-kaya at marangal na tahanan sa mas maraming pamilyang Pilipino.