Dy4

‘Transparency Ordinance’ isinusulong ng Echague mayor

Mar Rodriguez Aug 1, 2026
32 Views

ISINULONG ni Echague, Isabela Mayor Faustino “Inno” Dy V ang pagpapatibay ng “Transparency Ordinance” na naglalayong gawing mas bukas sa publiko ang lahat ng impormasyon kaugnay ng paggamit ng pondo at mga transaksyon ng pamahalaang bayan.

Sa kanyang State of the Municipality Address (SOMA) 2026, sinabi ni Dy na layunin ng panukala na mapalakas ang transparency at accountability sa lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay sa publiko ng mas madaling akses sa impormasyon hinggil sa paggastos ng pondo ng bayan.

Saklaw ng panukala ang pagsasapubliko ng mga detalye tungkol sa paggamit ng pondo, mga proyektong ipinatutupad ng pamahalaan, mga proseso ng procurement, at iba pang mahahalagang transaksyon ng municipal government.

Ayon kay Mayor Dy, mahalaga ang partisipasyon ng mamamayan upang matiyak na ang pondo ng bayan ay nagagamit nang tama at para sa kapakinabangan ng lahat.

Hinikayat din niya ang bawat Echagueño na maging katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagbabantay at pagsusuri sa paggastos ng pondo ng bayan bilang bahagi ng pagsusulong ng mabuting pamamahala.

Sa pamamagitan ng mas bukas na sistema ng pamahalaan at aktibong pakikilahok ng mamamayan, mas mapapalakas ang tiwala ng publiko at masisiguro ang maayos at tapat na paggamit ng pondo para sa mga programang makikinabang ang buong komunidad, ayon sa mayor.