Calendar
Mahahalagang ebidensya sa paglilitis kay VP Duterte nagmula rin sa hostile witnesses, depensa — Acidre
IGINIIT ni TINGOG Party List Rep. Jude A. Acidre na ang mahahalagang ebidensyang ginagamit ng prosecution laban kay Vice President Sara Z. Duterte ay hindi lamang nagmula sa mga nag-aakusa sa kanya, kundi kabilang din ang testimonya ng mga “hostile witness” at mga dokumentong nagmula mismo sa panig ng depensa.
Ayon kay Acidre, mahalagang isaalang-alang ang mga ebidensyang nailatag na at nasuri na ng mga senator-judge sa halip na basta na lamang kuwestiyunin o balewalain ang proseso ng impeachment.
“Ang ating mga witness, hindi po lahat galing sa prosecution. Meron po tayong hostile witnesses na pinatawag,” wika ni Acidre.
Kabilang sa mga tumestigo bilang hostile prosecution witnesses sina dating Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer Gina Acosta at OVP Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio.
Nakatuon ang kanilang testimonya sa mga naging utos at pag-apruba ni Duterte, gayundin sa paghawak at paggamit ng confidential funds sa loob ng kanyang tanggapan.
Binigyang-diin din ni Acidre na hindi lamang testimonya ng mga testigo ang batayan ng prosecution dahil kabilang din sa record ng paglilitis ang iba’t ibang dokumentong isinumite at nagmula sa panig ng depensa.
Kabilang dito, pahayag pa ng kongresista, ang acknowledgment receipts (ARs), work and financial plans at liquidation documents.
“Ang mga ARs, ang mga dokumento, ang acknowledgement receipts, ang work and financial plan, ang liquidation documents na ipinakita, lahat po iyon ay galing mismo sa defense side,” paliwanag ni Acidre.
Naiulat na libo-libong acknowledgment receipts mula sa magkabilang panig ang sinuri at inihambing ng Impeachment Court habang nililinaw ang mga isyu hinggil sa documentary evidence.
Ayon kay Acidre, nagbibigay rin ang proseso ng impeachment ng pagkakataon sa kampo ni Duterte na kuwestiyunin ang mga testigo at kontrahin ang mga ebidensyang inilalahad ng prosecution.
“Talagang binibigyan natin ng pagkakataon na mailahad ang lahat ng ebidensya at ma-question ang ebidensya,” sabi ni Acidre.
Pagbibigay-diin pa ni Acidre na bilang isang abogado, batid umano ni Duterte ang mga proseso ng batas at ang kahalagahan ng “rule of law”.
“Sa totoo lang, isa sa nakakapanghinayang ay ang Vice President po ay isang abogado. Alam naman niya ang patakaran ng batas. Alam naman niya ang rule of law,” ani Acidre.
Dagdag pa nito, obligasyon ng lahat ng halal na opisyal na sundin ang Saligang Batas, lalo na’t ang proseso ng impeachment ay mismong nakapaloob dito.
“E kung nanumpa lahat po na halal na officials ay nararapat lamang na sumunod sa Saligang Batas, at ang prosesong ito ay nakapaloob mismo sa ating Saligang Batas,” dagdag pa ni Acidre.

