Fajardo

Nagulat,nabahala ang kampo ni Romualdez sa pagtanggal kay Bonoan sa kasong plunder

42 Views

NAGPAHAYAG noong Biyernes ng pagkabahala at pagkagulat ang kampo ng dating Speaker na si Ferdinand Martin G. Romualdez sa desisyon ng Sandiganbayan na alisin sa kasong plunder na may kaugnayan sa scam sa flood control ang dating Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Manuel Bonoan.

Muling iginiit ni Ade Fajardo, legal counsel at tagapagsalita ni Romualdez, na hindi iniugnay ng dating kalihim ng DPWH, o ng alinmang inhinyero o opisyal ng DPWH, ang kongresista ng Leyte sa anumang iregularidad sa mga flood control project.

Sinabi niya na ang pagtanggal kay Bonoan sa kasong plunder at graft na kinakaharap nito kasama ang iba pang akusado, kabilang si Sen. Jinggoy Estrada, ay hindi lamang nakakagulat at nakababahala kundi nakagugulo rin.

“Ang naging desisyon po ay alarming at nakakagulat, ‘yan po ay nakakabahala,” ani Fajardo.

Naalala niya na nang bumuo ang Ombudsman ng isang espesyal na panel upang magsagawa ng preliminary investigation laban kay Romualdez, walang sinuman mula sa DPWH ang nagbintang laban sa dating Speaker.

“Going back from the very start to put everything in context po, nang magsimula itong reklamo ng special panel against Congressman Romualdez, wala pong anumang salaysay doon, wala po man lang kahit ni isang taga-DPWH, ni isang statement from Secretary Bonoan, kahit doon sa Blue Ribbon Committee, kahit doon sa Independent Commission for Infrastructure, wala pong nag-uugnay kay Congressman Romualdez,” mariing pahayag niya.

“Ibig sabihin, wala silang makita na partikular na DPWH project kung saan nag-participate o allegedly nag-impluwensiya si Congressman Romualdez para maapektuhan ang resulta, para manalo ang isang partikular na contractor. Walang ganoong alegasyon kaya nakakagulat na si Secretary Bonoan, all of a sudden, is now available as a potential witness,” aniya.

“At pagkatapos, bigla na lamang siyang malaya at practically ay nabigyan ng immunity dahil hindi na siya akusado,” dagdag niya.

Iginiit din ni Fajardo na wala nang “credible evidence” laban sa kanyang kliyente matapos bawiin ng limang Maleta Boys, kabilang ang star witness na si Orly Guteza, ang kanilang mga alegasyon laban kay Romualdez. Sinusuportahan umano ito ng mga pahayag ng 25 iba pang testigo na kumokontra sa mga pahayag ng orihinal na 18 Maleta Boys.