Calendar
P73.3M OVP confidential funds binusisi ni Tulfo
BINUSISI ni Sen. Erwin Tulfo sa Senate finance hearing ang P73.287 milyong OVP confidential-fund disallowance na ayon sa Commission on Audit ay ibinasura na sa appeal habang nakabinbin pa ang motion for reconsideration.
Ayon kay COA Chairman Gamaliel Cordoba, ang Notice of Disallowance ay sumasaklaw sa OVP confidential-fund spending noong Disyembre 21 hanggang 31, 2022.
Ang ND ay audit action ng COA na nagdi-disallow ng government expenditure at maaaring humantong sa pananagutang maibalik ang halagang tinukoy, depende sa magiging pinal na resulta ng proseso.
Sinabi ni Cordoba na iniakyat ng OVP ang ND sa Commission Proper, ngunit ibinasura ang appeal. “We denied the appeal of the OVP,” sabi ni Cordoba.
Pagkatapos nito, naghain ang OVP ng motion for reconsideration, na nananatiling nakabinbin.
Nang tanungin ni Tulfo kung kailan ito maaaring maresolba, sinabi ni Cordoba na: “Siguro po mga a month or so lang po, Your Honors. Tapusin na po namin.”
Sinabi rin ni Cordoba na maaaring dumulog ang OVP sa Supreme Court sa ilalim ng Rule 64 ng Rules of Court matapos ang final action ng COA.
Tinanong din ni Tulfo kung maaaring isumite sa impeachment court ang mga desisyon at dokumento ng COA kaugnay ng usapin.
Ang P73.287 milyong disallowance ay bahagi ng P125 milyong confidential funds ng OVP para sa huling bahagi ng Disyembre 2022. Hiwalay dito ang P375-milyong Notice of Disallowance na sumasaklaw sa OVP confidential funds para sa unang tatlong quarter ng 2023.
Tinanong din ni Tulfo ang COA tungkol sa confidential-fund case ng Department of Education. Ayon kay Cordoba, hanggang Oktubre 5 maaaring iapela ang Notice of Disallowance kaugnay nito at wala pang naihahaing appeal noong Setyembre 3.

