DPWH

DPWH, NAGTATRABAHO SA PAG-AAYOS NG DIKE SA BUCAO RIVER

Mar Rodriguez Sep 8, 2026
13 Views

HINDI naging hadlang ang masamang lagay ng panahon sa patuloy na pagtatrabaho ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para ayusin ang dike na napinsala ng Habagat at matinding pag-ulan sa lugar ng Bucao River.

Kasabay ng walang humpay na pagkukumpuni at pagsasaayos ng nasirang dike, patuloy rin ang paghahatid ng pananghalian para sa mga manggagawang nagsasagawa ng agarang rehabilitasyon sa lugar.

Ito ang ipinahayag ni Zambales 2nd District Rep. Doris “Nanay Bing” Maniquiz na layunin ng naturang inisyatiba na maipakita ang suporta at pagpapahalaga sa mga manggagawang patuloy na nagseserbisyo kahit weekend, lalo na sa harap ng banta ng malakas na pag-ulan at pagtaas ng agos ng tubig.

Ayon kay Maniquiz, kapansin-pansin din ang hakbang ng mga miyembro ng DPWH na magdala ng sarili nilang plato at kubyertos sa halip na gumamit ng mga disposable na gamit.

Bukod sa pagiging praktikal, nakatutulong umano ito sa pagbabawas ng paggamit ng plastic at dami ng basurang naiipon sa paligid ng Bucao River.

Pinuri naman ang mga manggagawa sa kanilang patuloy na paglalaan ng oras at pagsisikap upang maprotektahan ang mga komunidad at mapalakas ang kahandaan ng lalawigan laban sa posibleng epekto ng tuluy-tuloy na pag-ulan at malakas na agos ng tubig.

Sinabi ng Lady solon na mahalaga ang pagsasaayos ng nasirang dike upang makatulong sa pagprotekta sa mga komunidad na maaaring maapektuhan ng pag-apaw o malakas na agos ng tubig, partikular sa panahon ng matinding pag-ulan.

Sa kabila ng weekend, ipinagpapatuloy ng mga manggagawa ang kanilang operasyon bilang bahagi ng paghahanda sa mga posibleng epekto ng masamang panahon.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang kongresista sa mga miyembro ng DPWH sa kanilang dedikasyon at serbisyo para sa mga kababayan.

“Salamat sa inyong patuloy na serbisyo at pagbibigay ng oras para sa kapakanan ng ating mga kababayan at sa kahandaan ng ating lalawigan,” mensahe ni Maniquiz.

Patuloy umano ang suporta sa mga frontliner at manggagawang nagsisikap na mapanatiling ligtas at handa ang mga komunidad sa panahon ng kalamidad.