Rizal

Bangkay ng bata hinihinalang inanod ng tubig sapa sa Taytay

35 Views

Rizal1

TAYTAY, RIZAL —Bangkay na natagpuan ang isang di pa nakikilalang bata sa Dulong Bangiad Creek sa Brgy. San Juan, Linggo ng umaga.

Ayon sa ulat ng Taytay Municipal Police Station (MPS), bandang 7:41 ng umaga nang makita ng isang saksi ang katawan ng bata na nakahandusay sa daluyan ng sapa.

Agad itong naiulat sa mga awtoridad dakong 10:30 ng umaga.

Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa ilalim ni CPO William G. Cadaro at ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na pinangungunahan ni Sony Francisco.

Sa unang pagsusuri, walang nakitang anumang sugat o bakas ng karahasan sa katawan ng bata.

Walang naiulat na nawawalang residente o bata sa buong bayan ng Taytay, kaya hinala ng mga awtoridad na posibleng tangay ito ng agos mula sa kalapit na bayan.

Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang Taytay MPS sa Rizal Forensic Unit para sa mas malalim na teknikal na pagsusuri upang matukoy ang tunay na kinamatay at pagkakakilanlan ng bata.