Mystery

KELOT NABARIL SA PISNGI, GF NAHAGIP SA LEEG NG ‘GUMAGALANG’ GUNMAN

Edd Reyes Sep 10, 2026
31 Views

MALUBHANG nasugatan ang maglive-in partner nang pasukin sila sa bahay at pagbabarilin ng hindi pa kilalang armadong suspek Miyerkules ng gabi sa Valenzuela City.

Kaagad na isinugod sa Valenzuela Medical Center ng nagrespondeng barangay patrol ang mga biktimang sina si alyas Jose, 42, caretaker, na tinamaan ng bala sa kanang pisngi, habang sa leeg naman nahagip ang kanyang kalive-in na si alyas Rose, 40, staff ng barangay, na kapuwa patuloy na ino-obserbahan ng mga doktor.

Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nag-iinuman sa loob ng kanilang bahay sa Villa San Jose, Purok 4, Barangay Mapulang Lupa ang dalawa nang biglang pumasok ang suspek dakong alas-11:45 ng gabi at tinanong si alyas Jose kung bakit hindi siya kasama.

Nang sabihin ng biktima na hindi niya alam ang sinasabi ng suspek, dito na sila pinaputukan ng gunman bago tumakas, sakay ng isang Honda motorcycle patungo sa hindi nabatid na lugar.

Nagsasagawa na ng forward at backtracking sa kuha ng mga CCTV sa lugar ang Valenzuela police upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek habang inaalam pa ang motibo sa pamamaril.