Fake

Kelot nabuko sa pekeng ID, dokumento para sa DSWD ayuda

Edd Reyes Sep 10, 2026
27 Views

HIMAS-REHAS ang 54-anyos na kelot nang mabuko ang mga pekeng dokumento na isinumite sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para makakuha ng ayuda Miyerkules ng hapon sa Paranaque City.

Alas-4:30 ng hapon nang magtungo ang suspek sa DSWD Baclaran Satellite Office sa loob ng isang mall sa Redemptorist Road upang magsumite ng aplikasyon para sa tulong pinansiyal na ipinamamahagi sa mga kuwalipikadong benepisyaryo.

Nang suriin ng social worker ang ID at mga dokumentong isinumite ng suspek, natuklasan na iba’t-ibang pangalan ang ginagamit niya sa isinusumiteng ID na dahilan para ipadakip siya sa mga tauhan ng Baclaran Police Sub-Station.

Sinabi sa pulisya ng kinatawan ng DSWD na gumagamit ng mga pekeng dokumento at ID ang suspek upang makakuha ng ayuda sa DSWD na isang uri ng panlilinlang na malinaw na paglabag sa umiiral na batas.

Pinuri naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/BGen. Christopher Abrahano ang mabilis na aksiyon ng kapulisan sa sumbong ng alertong kawani ng DSWD.