Bam

Dapat neutral sa unang BARMM elections–Aquino

21 Views

NANAWAGAN si Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV sa pamahalaan na maging mahigpit at neutral sa kauna-unahang parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Setyembre 14.

“Kaya hindi makukumpleto ang pagtatag ng BARMM kung ang pagpili ng kanilang mga pinuno ay muling didiktahan mula po sa labas,” sabi ni Aquino.

Iniutos din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panatilihin ng security personnel ang political neutrality habang naghahanda ang BARMM para sa makasaysayang halalan.

Mahigit 2.39 milyong botante ang nakarehistro para sa unang regular parliamentary elections ng rehiyon na magmamarka sa paglipat mula sa interim Bangsamoro Transition Authority tungo sa isang halal na parliament.

Itinakda ang Sept. 14 polls sa ilalim ng RA 12317 na nag-reset sa petsa ng unang regular BARMM parliamentary elections at nagpatuloy sa termino ng BTA hanggang makaupo ang mga halal na miyembro ng parliament.

Hinimok din ni Aquino ang Commission on Elections na payagan ang mga lehitimo at neutral na election observers, kabilang ang accredited civil society organizations, nonpartisan citizens’ arms, peace advocates, religious groups, academic institutions at international election observation missions.

“Pagsubok ito kung kaya ba nating tuparin ang ating mga pangako. Kung kaya ba nating igalang ang autonomy hindi lamang sa papel kundi sa actual na pagsasagawa nito,” ani Aquino.

Iniugnay ng senador ang nalalapit na halalan sa peace process na isinulong sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Binalikan niya ang 2011 meeting ni PNoy at ng pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front sa Tokyo, Japan na ayon sa kanya ay nakatulong sa muling pagbuo ng tiwala sa pagitan ng pamahalaan at MILF.

Sinundan ito ng Framework Agreement on the Bangsamoro noong 2012 at Comprehensive Agreement on the Bangsamoro noong 2014.

Nagpatuloy ang Bangsamoro peace process sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasabatas ng Bangsamoro Organic Law, na nagtatag sa BARMM at nagbigay rito ng mas malawak na awtonomiya at sariling pamamahala.

Ayon sa mga naunang ulat, ang halalan sa Setyembre 14 ay dumarating 50 taon matapos ang 1976 Tripoli Agreement, isa sa mga naunang landmark agreements sa mahabang Bangsamoro peace process.

Para kay Aquino, ang botohan ay magiging pagsubok kung maisasagawa sa aktuwal ang pangako ng bansa sa Bangsamoro autonomy.