Calendar
BI nasakote Australyano na wantes sa Interpol Red Notice
INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) Fugitive Search Unit (FSU) ang 51-taong gulang na Australian national, na subject ng Interpol Red Notice, sa isinagawang operasyon sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig City noong Setyembre 9, 2026.
Ang operasyon ay isinagawa alinsunod sa mission order na inilabas noong Setyembre 8, 2026, sa pakikipagtulungan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IG), Highway Patrol Group (HPG), at Taguig City Police Station.
Ayon kay FSU Chief Rendel Sy, ang suspel ay hinahanap ng mga awtoridad sa India kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa criminal conspiracy.
Batay sa ulat ng India, ang suspek ay umano’y nagsagawa ng mga pekeng transaksyon sa kalakalan na nagresulta sa paglipat ng pondo ng bangko. Pinaniniwalaang kumita siya ng humigit-kumulang USD 430,000 mula sa mga komisyon, na nagdulot ng tinatayang INR 2.49 bilyon na pagkalugi sa National Agricultural Cooperative Marketing Federation of India (NAFED).
Nabatid sa talaan ng BI na huling pumasok sa Pilipinas ang suspek noong Enero 4, 2026.
Matapos ang pagkakaaresto, dinala ang suspek sa BI Warden’s Facility sa Taguig City upang harapin ang deportation proceedings.
Binanggit ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado na bahagi ito ng patuloy na kampanya ng ahensya upang tugisin ang mga dayuhang pugante at mahigpit na ipatupad ang batas sa imigrasyon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Pinuri ni Viado ang FSU sa kanilang kasipagan at dedikasyon sa operasyon, at nagbigay ng babala sa mga dayuhang pugante:
“Hindi magiging ligtas na kanlungan ang Pilipinas para sa mga pugante. Patuloy na magsasagawa ng masinsinang operasyon ang BI upang matiyak na ang mga dayuhang may kaso sa ibang bansa ay haharap sa kaukulang legal at immigration proceedings.”

