Sekyu

MWP na sekyu arestado sa panghahalay sa menor de edad

Edd Reyes Sep 11, 2026
29 Views

TIMBOG ang Top 1 Most Wanted Person ng Southern Police District (SPD) na humalay umano sa menor-de-edad niyang biktima sa Paranaque City nang matunton ng pulisya Biyernes ng umaga sa Muntinlupa City.

Sa ekslusibong subdivision ng Barangay Ayala Alabang inaresto ng mga tauhan ni SPD District Director P/BGen. Rodel Pastor ang 28-anyos na security guard na si alyas “Mark” matapos ang pinaigting na kampanya ng SPD laban sa mga wanted na kriminal na may kinakaharap na kaso sa hukuman.

Dinakip ang akusado batay sa inilabas na warrant of arrest noong Agogto 24, 2026 ng Paranaque Regional Trial Court (RTC) para sa dalawang bilang na kasong Statutory Rape na walang inirekomendang piyansa at isang bilang na kasong Statutory Acts of Lasciviousness na may piyansang P180,000.

“Walang puwang sa SPD ang mga nagtatago sa batas. Kung may warrant of arrest, hahanapin at huhulihin namin,” pagtiyak ni BGen. Pastor.

Pansamantalang nakapiit sa Custodial Facility ng Muntinlupa Police Station si alyas Mark habang hinihintay ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Paranaque City Jail matapos ibalik sa korte ang inilabas na warrant of arrest.