Calendar
Tax administrator pinambayad sa utang pinapadeposit na pera, kulong
ARESTADO ang isang tax administrator matapos umanong ipambayad sa utang ang P150,000 mula sa P200,000 na ipinagkatiwala sa kaniya para ideposito sa bank account ng isang kumpanya sa Quezon City.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Ed,” residente ng Barangay Bagumbayan, na inaresto bandang alas-9:30 ng gabi nitong Miyerkules, Setyembre 9, matapos mabigong maibalik ang perang ipinagkatiwala sa kaniya.
Batay sa ulat ng Eastwood Police Station (PS-12) ng Quezon City Police District (QCPD), inatasan si Ed ng nagrereklamo na ideposito sa Banco de Oro (BDO) ang P200,000 personal na pondo ng kumpanya.
Gayunman, hindi umano nakapagpakita ng patunay ng transaksyon ang suspek at kinalaunan ay hindi na mahagilap.
Nang komprontahin, nagpakita umano si Ed ng deposit slip na nagpapatunay na P50,000 lamang ang naideposito sa account ng kumpanya.
Inamin naman umano niya na ginamit niya ang natitirang P150,000 pambayad sa kaniyang mga personal na utang.
Dahil dito, iniulat ang insidente sa PS-12, na agad namang umaresto sa suspek matapos siyang mabigong maibalik ang natitirang halaga.
Inihahanda na ang kasong estafa laban sa kaniya.

