Romulo

Romulo: Pagpasok ng kontrabado sa bilangguan tuldukan

Mar Rodriguez Nov 4, 2022
233 Views

DAHIL masyado ng inaabuso ng ilang preso ang sistema sa loob ng mga bilangguan partikular na sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City sa pamamagitan ng garapalan at walang pakundangang pagpapasok o pagpupuslit ng mga kontrabando sa loob nito. Isinulong ngayon ng isang Metro Manila congressman ang isang panukalang batas upang matuldukan na ang ganitong modus-operandi.

Nais ni Pasig City Lone Dist. Cong. Roman T. Romulo na papanagutin at maparusahan ang sinomang bilanggo na mapapatunayang nagpupuslit at nagpapasok ng anomang kontrabando partikular na ang illegal na droga sa loob ng bilangguan.

Ito rin ang nakapaloob sa House Bill No. 1658 na isinulong ni Romulo sa Kamara de Representantes para wakasan na ang nasabing talamak na sistema sa pamamagitan ng pagpapataw ng mabigat na kaparusahan para sa mga sangkot sa pagpapasok ng kontrabando.

Ipinaliwanag din ni Romulo na sa kabila ng mga mahigpit na alituntunin at batas na pinaiiral sa loob ng mga bilangguan para masawata ang ganitong buktot na sistema. Nakakalusot parin aniya ang ilang “high profile inmates” na makapagpasok at makapagpuslit sa loob ng kulungan.

Binigyang diin ng Pasig solon na sa gitna ng mga serye ng raid at surprise visit na isinagawa ng mga tauhan at opisyales ng Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Correction (BuCor) sa loob NBP. Hindi pa rin aniya natitigatig ang ilang bilanggo sa pagpapasok at pagpupuslit ng mga kontrabando.

Inihalimbawa ni Romulo ang isang insidente noong Disyembre 2014, kung saan nadiskubre ng mga awtoridad sa loob mismo ng NBP ang isang cache ng mga high-powered firearms at bulto ng pera na natagpuan sa loob ng quarters o tinutuluyan ng isang preso.

Ayon kay Romulo, hindi na nakakapagtaka kung nagiging paulit-ulit na lamang ang ganitong sistema. Sapagkat ang ilan sa mga itinuturing na “high profile inmates” ay mga bigtime drug lords o drug dealer. Kung saan, tinatamasa nila ang VIP treatment sa loob ng NBP.

Nakapaloob sa panukalang batas ni Romulo na sakaling mapatunayan na nasangkot sa pagpupuslit o pagpapasok ng kontrabando ang isang preso. Madadagdagan ng anim hanggang dalawampung taon ang kaniyang prison term at magbabayad ng penalty ng isang milyong piso.