Ambush

SECURITY MANAGER NAKALIGTAS SA AMBUSH

Edd Reyes Sep 24, 2026
170 Views

Ambush1Ambush2SUGATAN ang 35-anyos na babaing security manager ng isang condominium sa Taguig City nang tambangan ng magka-angkas sa motorsiklo Huwebes ng umaga sa Makati City.

Isinugod kaagad sa Makati Medical Center ang biktimang si alyas “Jeannie”, residente ng Armed Forces of the Philippines Officer’s Village Association Inc sa Taguig City, matapos magtamo ng tama ng bala sa hita at binti habang mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi nabatid na lugar.

Sa ulat ng tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor, tinatahak ng biktima, sakay ng minamanehong Nissan Terra na may plakang CCB 2298, ang kahabaan ng Chino Roces Avenue alas-6:50 ng umaga nang paulanan ng bala ng mga suspek na naka-suot ng damit na gamit ng mga motorcycle taxi rider pagsapit sa harap ng isang bangko, sa tabi ng Oriental Place, Brgy. Pio Del Pilar.

Siyam na bala ng hindi pa binanggit na kalibre ng baril ang tumama sa sasakyan ng biktima na nagawa pang makalabas ng sasakyan matapos tumakas ang mga suspek.

Posibleng may kaugnayan sa trabaho ng biktima ang sinisilip na motibo ng pulisya sa pananambang habang nagsasagawa na ng forward at backtracking ang mga imbestigador sa kuha ng mga CCTV sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran nilang pagkakadakip.