Calendar
LIBRENG BAKUNA, NAIPAMAHAGI SA MAHIGIT 1,500 RESIDENTE SA MARIKINA
MAHIGIT 1,500 residente ng Barangay Malanday at mga kalapit na barangay sa Marikina City ang nabigyan ng libreng bakuna laban sa trangkaso at tetanus sa pamamagitan ng inisyatiba ni Barangay Malanday Kagawad Bruce Fortuno katuwang ang TINGOG Partylist, mga partner na medical provider, volunteers at mga health worker ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Fortuno, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap na mapalawak ang kaalaman ng mga residente at mapadali ang kanilang access sa serbisyong pangkalusugan, lalo na matapos ang paulit-ulit na pagbaha at tumataas na pangamba sa “leptospirosis”.
Sinabi ni Fortuno na ang vaccination activity ay bahagi ng mas malawak na “Zero Lepto” campaign ng Barangay Malanday, na naglalayong hikayatin ang mga residente na agad magpakonsulta, magkaroon ng access sa mga doktor, at makakuha ng wastong preventive care at medical guidance, partikular ang mga nalalantad sa baha.
Ayon pa sa kaniya, Mas naging mahalaga umano ang kampanya matapos makapagtala ang Barangay Malanday ng dalawang nasawi dahil sa leptospirosis.
“Para sa akin po, mahalagang patuloy nating pag-usapan ang leptospirosis dahil mabilis po itong maging seryoso. Isa po sa mga kabarangay natin ay binawian ng buhay within two weeks of exposure. Kaya malaking bagay po talaga ang awareness at maagang pagpapatingin,” sabi ni Fortuno.
Samantala, ipinapakita rin ng mga datos ng Department of Health na tumataas ang mga naitatalang kaso ng leptospirosis tuwing panahon ng tag-ulan, kabilang ang National Capital Region na kabilang sa mga lugar na nakapagtatala ng mataas na bilang ng kaso.
Noong nakaraang buwan, ipinahayag pa ni Fortino, umabot naman sa humigit-kumulang 9,000 residente ang natulungan nina Fortuno at mga katuwang na doktor sa pamamagitan ng konsultasyon, preventive health guidance at physician-supervised access sa doxycycline. Mayroon ding tinatayang 500 residente ang napagsilbihan sa isang medical mission na nagkaloob ng libreng checkup at piling diagnostic services.
Tumulong din si Fortuno sa pagsusulong ng Zero Lepto ordinance na naglalayong palakasin ang access ng mga residente sa doktor, angkop na gamot at medical assessment sa antas ng barangay tuwing may mataas na panganib ng exposure sa baha.
“Nakakatuwa po dahil maraming kabarangay natin ang nakiisa. Hindi lang po taga-Malanday ang nakinabang, pati rin po mga residente mula sa ibang barangay,” pahayag pa ni Fortuno.
“Para sa amin, mahalaga po na kahit sa simpleng paraan ay makatulong tayo para mas maraming tao ang maging aware at makapagpakonsulta agad.”
Nagpasalamat din si Fortuno sa TINGOG Partylist at kay Congressman Jude Acidre sa kanilang suporta sa mga programang pangkalusugan.
“Lubos po kaming nagpapasalamat sa TINGOG Party-list at kay Congressman Jude Acidre. Malaking bagay po ang kanilang suporta para mas marami tayong maabot at mas maraming residente ang mabigyan ng serbisyong medikal,” aniya.
Pinuri rin nito ang mga medical team, volunteers, barangay workers at ang Marikina City Government sa kanilang patuloy na pagtutulungan upang maisagawa ang mga programang pangkalusugan.
Binigyang-diin ni Fortuno na ang programa ay resulta ng sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor.
“Hindi po ito tungkol sa isang tao o isang posisyon. Maraming tao po ang nagtutulungan para maisagawa ang mga programang ito,” ayon pa kay Fortuno.

