OFW

OFW nagtangkang lumipad gamit pekeng birth certificate, buking

Jun I Legaspi Sep 24, 2026
99 Views

NA-intercept ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang overseas Filipino worker (OFW) na nagtangkang umalis ng bansa gamit ang pekeng birth certificate para pumasok sa minimum age requirement noong Setyembre 14.

Ayon kay Rhona Ruth Lagman, hepe ng BI Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), nakilala ang pasahero na si Mia, household service worker (HSW) patungong Saudi Arabia.

Ipinahayag ni Mia na siya ay ipinanganak noong 2001 kaya pasok sa minimum age requirement para sa mga HSW na nais magtrabaho sa ibang bansa.

Pero lumabas na ang tunay na taon ng kapanganakan ay 2007 na salungat sa nakasaad sa kanyang pasaporte.

Isinailalim ang dokumento sa pagsusuri ng BI Anti-Fraud Section at nakumpirmang ito ay peke at binago ang taon ng kapanganakan.

Si Mia ay itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang interbensyon, habang ang kanyang pasaporte ay iaakyat sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa nararapat na aksyon.

Nagpaalala si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa mga biyahero na huwag gumamit ng pekeng o binagong dokumento dahil maaari itong magresulta sa pagkaantala ng biyahe, pagkakait ng pag-alis, at posibleng kasong legal.

Pinalalakas ng BI ang border-control at anti-trafficking measures sa pakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya upang maprotektahan ang mga Pilipino.