Calendar
Pagpapatibay ng Kongreso sa Basic Education Voucher Assistance Act tinanggap ni Acidre
TINANGGAP ni House Committee on Higher and Technical Education Chairperson at TINGOG Partylist Rep. Jude Acidre ang pagpapatibay ng Kongreso sa bicameral conference committee report para sa Basic Education Voucher Assistance Act.
Ang panukala ang magbibigay sa pamahalaan ng karagdagang paraan upang mabawasan ang pagsisikip ng mga silid-aralan at mapalawak ang mga pagpipilian ng mga pamilyang Pilipino sa edukasyon.
Pinag-isa ng reconciled measure ang House Bill No. 4744 na isinulong ng TINGOG sa Kamara at Senate Bill No. 1981. Kabilang si Acidre sa mga pangunahing may-akda ng panukalang batas sa Kamara.
Sa ilalim ng panukala, palalawakin ang voucher assistance para sa mga kwalipikadong mag-aaral sa kindergarten at elementarya habang mas magagamit ng pamahalaan ang mga bakanteng kapasidad sa mga pribadong paaralan lalo na sa mga lugar na siksikan na ang mga pampublikong paaralan.
“At the heart of this measure is a simple concern: paano natin masisiguro na may maayos na lugar para matuto ang bawat bata?,” ayon kay Acidre.
Sa School Year 2024–2025, nasa 1,889 paaralan ang gumagamit ng double o triple shifts at tinatayang nangangailangan ng 52,871 karagdagang classroom upang tuluyang maalis ang shifting.
Iniulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) noong Hulyo 2026 na mayroon pa ring mahigit 166,000 classroom backlog sa buong bansa. Si Acidre ay nagsisilbi ring Co-Chairperson ng EDCOM 2.
Ayon sa EDCOM 2, makatutulong ang kapasidad ng mga pribadong paaralan upang mabawasan ang pressure sa mga pampublikong paaralan habang nagpapatuloy ang pagtatayo ng mga bagong classroom.
Sa NCR, Central Luzon at CALABARZON, tinatayang 536,000 mag-aaral ang naka-enroll sa mga siksikang pampublikong elementary school, habang mayroon namang 136,573 bakanteng puwesto sa mga pribadong elementary school.
Tinatayang hanggang 22.5 porsyento ng mga mag-aaral na ito ang maaaring ma-accommodate kung isasaalang-alang ang available capacity ng lahat ng pribadong paaralan.
Para kay Acidre, kailangang sabay na isulong ng pamahalaan ang dalawang solusyon—ang patuloy na pamumuhunan sa imprastraktura ng mga pampublikong paaralan at ang mas mahusay na paggamit sa mga available na kapasidad ng pribadong paaralan.
“Hindi nito pinapalitan ang responsibilidad nating mag tayo at mag-ayos ng mga classroom. We have to continue investing in our public schools and building where classrooms are needed,” ani Acidre.

