Bitrics House Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro

Prosecution: Nanatiling 2/3 ang Konstitusyonal na itinakdang voting threshold para sa paghatol sa impeachment trial

122 Views

PINABULAANAN ng House prosecution ang mga pahayag na tila epektibong nabago ang Konstitusyon matapos maglabas ng ruling ang Senate Impeachment Court hinggil sa kung sinu-sino ang kwalipikadong bumoto kapag dumating ang panahon ng paghatol sa kaso.

Muling iginiit ni House Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na nananatiling dalawang-katlo (two-thirds) ng mga miyembro ng Senado ang voting threshold na itinakda ng Konstitusyon para sa paghatol sa impeachment.

Ayon kay Luistro, ang Senado, na may eksklusibong kapangyarihang dinggin at pagpasiyahan ang lahat ng kaso ng impeachment, ay gumamit lamang ng kapangyarihang ito nang magbigay ito ng paglilinaw sa probisyon ng Konstitusyon tungkol sa dalawang-katlo ng lahat ng miyembro ng Senado, partikular sa kung sinu-sino ang legal at aktuwal na kwalipikadong bumoto sa mga impeachment trial.

“Ang kapangyarihan ng Senado o ng impeachment court upang bigyan ng kaliwanagan ang threshold vote ay ayon sa kanilang exclusive power to try and decide all impeachment cases,” ani Luistro sa isang press briefing nitong Huwebes.

“Natuldukan na ang usapin, diskusyon, debate ng sambayanang Pilipino sa kung ilan ba talaga ang kailangan for purposes of conviction at kung ilan ba talaga ang kailangan for purposes of acquittal,” dagdag niya.

Sa ruling, binanggit ni Luistro na tinukoy ng impeachment court ang mga hindi kabilang sa maaaring bumoto, kabilang ang mga taong nakakulong, suspendido, o may legal na hadlang; mga pisikal o medikal na walang kakayahang makibahagi; mga nagtatago; mga nasa labas ng kapangyarihang ipatupad ng Senado; at mga taong nasa katulad na kalagayan.

“So, I think this is very significant as we continue the impeachment trial. Kasi mas mahirap din na hanggang sa oras na ito ay wala pang kaliwanagan. At least with what happened yesterday, maliwanag na, what is the threshold vote? And the threshold vote remains two-thirds of all the members who are legally and factually present or qualified,” ani Luistro.

“I wish to make it clear, walang binago sa two-thirds. At kagaya ng naging posisyon ng prosecution, two-thirds is two-thirds,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Luistro na ang ruling ng impeachment court ay hindi kumampi sa alinmang panig sa paglilitis dahil ang anumang pagbabago sa denominator para sa two-thirds ay magreresulta sa pagbaba kapwa ng kinakailangang boto para sa conviction at acquittal.

“By giving clarity to the denominator, what is lowered is not only the number for conviction, but also the number for acquittal. Two-way consequence ’yan. When they said that all members of the Senate pertain only to those who are legally and factually present, ang naapektuhan ay hindi lamang numero ng conviction, naapektuhan din ang numero ng acquittal,” ani Luistro.

Ipinaliwanag ni Luistro na kapag dumating ang panahon ng paghatol at 20 senador-hukom lamang ang available na bumoto, 14 na boto ang kakailanganin para sa conviction.

“But remember, the acquittal needs only seven. Unlike when we have all the senators actively participating in the trial, 24 ang denominator, 16 ang conviction, they only needed nine to acquit,” ani Luistro.