BOC

BOC kampanva vs agri smuggling di dapat hanggang raid lang — Pangilinan

115 Views

IKINALUGOD ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan nitong Martes ang anim na criminal complaint na isinampa ng Bureau of Customs (BOC) kaugnay ng mga kargamentong idineklarang “chicken lollipops” pero sibuyas at karot pala ang laman, at nanawagang huwag magtapos sa raid ang kampanya kundi humantong sa hatol.

“Kinalulugod natin ang desisyon ng Bureau of Customs na magsampa ng mga reklamo kaugnay ng misdeclared agricultural shipment at panagutin ang mga sangkot, kabilang na ang mga tauhan nito,” ani Pangilinan.

“Hindi ito puwedeng hanggang dito na lang. Kailangan may kaso, may mananagot, at may hatol,” dagdag niya.

Isinampa ng BOC ang mga reklamo sa Department of Justice (DOJ) nitong Martes laban sa may-ari at mga kinatawan ng importer, isang lisensiyadong customs broker, mga opisyal at tauhan ng Customs, at iba pang umano’y sangkot sa mga kargamento.

Naka-consign sa Berches Consumer Goods Trading ang anim na kargamentong dumating noong Hunyo 2025. Sa pisikal na inspeksiyon, lumabas na naglalaman ang mga ito ng 15,029 sako ng sariwang puting sibuyas at 2,164 kahon ng sariwang karot.

Wala umanong Sanitary and Phytosanitary Import Clearance mula sa Bureau of Plant Industry ang mga produkto, isang clearance na kailangan sa pag-angkat ng mga regulated na produktong agrikultural.

Ayon sa BOC, nakasaad sa mga reklamo ang umano’y paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act, kabilang ang fraudulent misdeclaration at pag-angkat ng regulated na produktong agrikultural nang walang kinakailangang clearance. Sa mga reklamo laban sa mga tauhan ng Customs, binanggit din ang mga probisyong nagpaparusa sa willful neglect of duty at sa mga gawaing nagbibigay-daan sa paglabag sa customs law.

Sinabi ni Pangilinan na dapat maipakita ng kaso na may kapalit ang agricultural smuggling dahil napipinsala nito ang mga magsasaka, konsyumer at lehitimong negosyante.

Nanawagan siya sa DOJ na kumilos agad, sa BOC na ilabas ang buong detalye, at sa lahat ng ahensiyang sangkot na magtulungan at gamitin ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act kung nararapat.

Mas maaga noong Martes, sinabi ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na hahabulin ng BOC hindi lang ang mga smuggler at kanilang mga kasabwat kundi pati ang mga tauhan ng Customs na mapatutunayang nakilahok o tumulong sa ilegal na gawain.

“Wala tayong pagtatakpan at hindi natin kukunsintihin ang anumang paglabag, lalo na kung may pagtatangkang abusuhin ang ating mga proseso. Importer man, broker, o kawani ng Customs, kung may sapat na ebidensya, gagawin natin ang nararapat at ihaharap ang kaso sa tamang proseso. Ang pananagutan ay para sa lahat,” ani Nepomuceno.

Sa pinakabagong mga reklamo, umabot na umano sa 96 ang criminal case na isinampa ng BOC na may kinalaman sa 288 respondent. Nasa P13.7 bilyon naman ang halaga ng mga nasabat mula 2025 hanggang 2026, ayon sa ahensiya.

Ayon sa tanggapan ni Pangilinan, bukod sa nawawalang kita ng Customs, maaaring malagay sa panganib ang kalusugan ng mga konsyumer kapag nakapasok ang mga regulated na produktong agrikultural nang walang sanitary at phytosanitary clearance.

Pinabababa rin umano ng pagdagsa ng ilegal o mas murang angkat ang farmgate price at kita ng mga magsasaka. Sa paglipas ng panahon, pinahina umano ng ganitong gawain ang lokal na agrikultura at ang pagsisikap ng bansa para sa food security.