Calendar
QUIMBO ISINUSULONG MAS MATAAS NA BUWIS SA LUXURY VEHICLES; BUWIS SA PABANGO, IPINAPATANGGAL
ISINUSULONG ni House Committee om Ways and Means Committee Chairperson at Marikina 2nd District Rep. Atty. Miro S. Quimbo ang panukalang batas na magtataas sa excise tax ng mga mamahaling sasakyan at iba pang non-essential goods habang aalisin naman ang buwis sa mga pabango at toilet waters.
Ayon kay Quimbo, sa ilalim ng House Bill No. 11465, iminungkahi ni Quimbo ang pag-amyenda sa Sections 149 at 150 ng National Internal Revenue Code of 1997 as amended upang gawing mas progresibo ang sistema ng pagbubuwis sa luxury at iba pang high-value na produkto.
Sinabi ni Quimbo na mas malaki ang kakayahang magbayad ng buwis ng mga consumer na bumibili ng luxury at high-value goods dahil karaniwang mayroon silang mas malaking disposable income.
“The proposed measure aims to achieve greater tax progressivity and promote a more equitable distribution of wealth since luxury and high-value goods are generally purchased by consumers with greater disposable income and capacity to pay,” wika ni Quimbo.
Sa ilalim ng panukala, ipinaliwanag ng kongresista na papatawan ng 50-percent ad valorem tax ang mga sasakyang nagkakahalaga ng higit ₱4 milyon hanggang ₱8 milyon.
Samantala, 75 percent naman ang magiging buwis sa mga sasakyang nagkakahalaga ng higit ₱8 milyon.
Mananatili ang kasalukuyang tax rates para sa mga sasakyang nagkakahalaga ng ₱4 milyon pababa.
Tinatayang makalilikom ang panukala ng karagdagang ₱3.91 bilyon kada taon mula sa excise tax sa mga sasakyan, ayon kay Quimbo.
Maaari umanong gamitin ang karagdagang kita upang pondohan ang mga prayoridad na programa ng pamahalaan nang hindi kinakailangang dagdagan ang pasanin sa buwis ng mga ordinaryong Pilipino.
Iminumungkahi rin ng HB 11465 na itaas mula 20 porsyento sa 25 porsyento ang buwis sa non-essential goods sa ilalim ng Section 150.
Isasama rin sa saklaw ng buwis ang mga yacht, jet ski, speedboat, sailboat, motorboat, aircraft, eroplano, jet at helicopter na binibili para sa leisure, pribadong paggamit o sports.
Gayunman, iminungkahi ni Quimbo na alisin ang perfumes at toilet waters sa listahan ng mga produktong saklaw ng buwis sa ilalim ng Section 150.
Ayon sa mambabatas, makatutulong ang panukala upang mailipat ang mas malaking bahagi ng tax burden sa mga high-value at discretionary purchases habang pinoprotektahan ang mga produktong mahalaga sa kabuhayan at pang-araw-araw na pangangailangan.
“Strengthening the taxation of luxury consumption constitutes a practical means of enhancing the progressivity of the Philippine tax system,” sabi pa ni Quimbo.
Dagdag ni Quimbo, magbibigay ang panukala ng karagdagang mapagkukunan ng kita ng pamahalaan mula sa mga produktong madaling matukoy at maipatupad ang pagbubuwis, habang iniiwasang mabigatan nang labis ang mga gamit para sa mahahalagang pangangailangan, kabuhayan, pampublikong transportasyon at produktibong aktibidad.
To God be the Glory

