Calendar
BARBERS BINIGYANG-DIIN ANG ‘MARY GRAC E PIATTOS’ SA P168-M AYUDA NG OVP
MULING nabanggit ang kontrobersyal na pangalang “Mary Grace Piattos” matapos kuwestiyunin ni House prosecution panel adviser – spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers ang mga umano’y hindi nakilalang o kulang sa dokumentasyong benepisyaryo ng P168 milyon na relief operations ng Office of the Vice President (OVP).
Tinukoy ni Barbers ang isang special review ng Commission on Audit (CoA) na nakapagtala ng mga kakulangan sa dokumentasyon na nakaapekto sa kakayahan ng mga auditor na mapatunayan ang mga benepisyaryo at distribusyon ng ayuda sa ilalim ng 2025 disaster-relief operations ng OVP.
“Kaya nga baka magulat ka dahil ang tumanggap ng ayuda diyan ay si Mary Grace Piattos ulit o hindi kaya si Nico Harina,” ayon kay Barbers.
Dagdag pa ng dating mambabatas, posibleng maging kahina-hinala ang sitwasyon kung pareho lamang umano ang mga pangalan na lumilitaw sa mga dokumento.
“Mahirap naman, baka naman ’yun sila ulit, suki na sila kung ganoon,” sabi pa ni Barbers.
Gayunman, hindi sinabi sa audit findings na sina Mary Grace Piattos o Nico Harina ay aktuwal na benepisyaryo ng relief operations. Hindi rin itinatag ng pahayag ni Barbers na lumitaw ang kanilang mga pangalan sa mga rekord ng P168-milyong ayuda.
Ang mga pangalang ito ay unang lumitaw sa mga dokumentong isinumite upang ipaliwanag ang paggamit ng confidential funds ng OVP, na naging bahagi rin ng mga ebidensiyang iniharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa isinagawang beripikasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA) na iniharap sa impeachment proceedings, walang natukoy na katugmang civil registry record para sa pangalang Mary Grace Piattos. Samantala, iginiit ng kampo ni Duterte na ang mga pangalang ginamit sa confidential fund records ay mga alyas na may kaugnayan sa confidential activities.
Binigyang-diin ni Barbers na mahalagang magkaroon ng kumpletong audit trail para sa hiwalay na P168-milyong gastusin para sa relief operations.
“Mahalaga ’yung audit trail doon kasi P168 million ito. Ito ay, again, pera ito ng taong-bayan na dapat maliwanag at all accounted ang bawat pisong ginastos para dito,” ani Barbers.
Iginiit din nito na kailangang malinaw kung sino ang mga nakinabang sa naturang pondo at kung saan ito ginamit.
“Kung ito’y sinabi mong ayuda, ayuda para kanino? Para saan?” tanong ni Barbers.
Samantala, binigyan naman ng pagkakataon ang OVP, alinsunod sa proseso ng audit, na magbigay ng paliwanag at mga karagdagang dokumento bilang tugon sa mga kakulangang nakita ng mga state auditor.
Gayunman, ayon kay Barbers, kung walang sapat na dokumentasyon o paliwanag upang suportahan ang mga gastusin, mananatili ang mga tanong hinggil sa paggamit ng naturang pondo.
“But absent all these justifications, eh talagang may question mark,” ani Barbers.
To God be the Glory

