DOST

Very Strong El Nino posible, maaaring umabot hangang 2027

91 Views

NAGBABALA ang DOST-PAGASA sa posibleng pagtindi ng El Niño na maaaring umabot sa antas na Very Strong El Niño pagsapit ng Setyembre hanggang Disyembre 2026 at magpatuloy hanggang mga unang buwan ng 2027.

Ayon sa PAGASA, kasalukuyang umiiral ang Strong El Niño sa Tropical Pacific na maaaring magdulot sa Pilipinas ng mas maiinit na temperatura at mas mababa sa normal na pag-ulan.

Dahil dito, inaasahang tataas ang panganib ng dry spell, tagtuyot at kakulangan sa suplay ng tubig, na maaaring makaapekto sa agrikultura, suplay ng pagkain, enerhiya, kalusugan ng publiko at ekonomiya.

Gayunman, nilinaw ng PAGASA na hindi nangangahulugang tuluyang mawawala ang ulan sa bansa dahil maaari pa ring magdala ng panandaliang malalakas na pag-ulan ang Habagat at mga bagyo, partikular sa kanlurang bahagi ng Pilipinas.

Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na maghanda sa posibleng matagal na tagtuyot habang nananatiling alerto sa biglaang malalakas na pag-ulan.