CICC

Cybercrime monitoring center ng gov’t 20 lang tao sa kapasidad na 50 dahil kulang sa pondo

107 Views

MGA 20 tauhan lang ang kayang ilagay sa threat monitoring center ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) kahit inihanda ito para sa 50 katao, dahil kulang sa pondo, ayon sa isang opisyal ng ahensiya sa Senado nitong Miyerkoles.

Isiniwalat ito ni CICC Deputy Executive Director Alvin Navarro sa pagdinig ng Senate Finance Subcommittee C sa panukalang 2027 budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at mga attached agency nito. Si Sen. Pia Cayetano ang namuno sa pagdinig.

Ayon kay Navarro, umabot na sa 20,457 ang reklamong natanggap ng Cybercrime Complaint Center ng CICC hanggang nitong Miyerkoles, mula 18,830 noong Agosto 31.

“And we know that cybercrime complaints are underreported,” aniya.

Nagbigay siya ng halimbawa: ang nawalan ng P10,000 ay kailangan pang pumunta sa istasyon ng pulis para sumumpa sa kanyang reklamo. Kaya ginawa umanong mas madali ang pagrereklamo.

Puwede na itong gawin sa email, sa eGov app, sa mobile phone, at sa mga social media at messaging platform.

Scam ang 61 porsiyento ng nasa datos ng CICC, kabilang ang job scam at romance scam, ayon kay Navarro.

Aktibo rin umanong nagbabantay ang monitoring center sa cyberspace, kabilang ang mga social media platform, para sa mga kaso ng online sexual abuse and exploitation of children at ilegal na online recruitment, kahit wala pang nagrereklamo.

Tinutulungan din ng CICC ang mga nagrereklamo na buuin ang kaso bago ito i-refer sa mga law enforcement agency gaya ng PNP Anti-Cybercrime Group. Isinusulong umano ng CICC ang “no wrong door” policy, kung saan dapat tumanggap ng reklamo ang lahat ng pangunahing ahensiya.

Sinabi naman ni DICT Undersecretary Rodil Aniban, officer-in-charge sa cybersecurity, na dalawang grupo ng lokal na hacker ang umaatake sa gobyerno. Ang una ay mga hacktivist na tumitira sa mga institusyon at paaralan at nagre-recruit ng mga kabataang gustong matuto ng cybersecurity. Ang ikalawa ay mga grupong pera ang habol, na kumukuha ng datos para ibenta sa dark web.

May mga criminal enterprise at state-sponsored actor din umanong umaatake sa Pilipinas at iba pang bansa, lalo na kaugnay ng nalalapit na ASEAN Summit, ayon kay Aniban.

“We are constantly under threat,” aniya.

Sa National Privacy Commission (NPC), sinabi ni Privacy Commissioner Johann Carlos Barcena na kalahati lang ng mga ahensiya ng gobyerno ang nakarehistro sa komisyon, kaya kalahati lang din ang may rehistradong data protection officer. Nangako umano ang NPC sa DICT na rehistrado na ang lahat ng ahensiya bago matapos ang 2028.

Hiniling din ng NPC na maglagay ng general provision sa 2027 General Appropriations Act na mag-oobliga sa lahat ng ahensiya na magparehistro at magtalaga ng data protection officer.

“Sounds reasonable,” tugon ni Cayetano.

Binanggit din ni Cayetano ang mga reklamong naririnig niya sa programang kasama niya ang kapatid na si Sen. Alan Peter Cayetano at si Boy Abunda. Kabilang dito ang mga nangungutang na paulit-ulit na sinisiraan sa Facebook, at ang mga nagpapautang na umano’y tinatawagan ang lahat ng nasa phonebook ng umutang.

Tanong niya, alam ba ng ordinaryong taong umutang ng P1,500 ang kanyang mga karapatan?

Ayon kay Barcena, may joint advisory ang NPC, Securities and Exchange Commission at DICT na naglalatag ng puwede at bawal gawin ng mga online lending platform. Gumagawa rin umano ang NPC ng maiikling video na nasa Facebook, pero wala itong TikTok account.

“I think you have to,” sagot ni Cayetano.

Ayon din kay Barcena, sakop pa rin ng proportionality principle ang mga exemption sa Data Privacy Act para sa layuning pamamahayag at para sa mga opisyal na gumaganap ng tungkulin.

Nang tanungin ni Cayetano kung puwedeng isapubliko ng mga mamamahayag ang flight details ng isang opisyal na hindi naman pugante o flight risk, sinabi ni Barcena na maaaring maging paksa ng inquiry ang proportionality ng ganitong pagsasapubliko. Puwede umano itong ireklamo, o kumilos ang NPC nang motu proprio dahil binabantayan nito ang mga news site.

Pinasusumite naman ni Cayetano sa DICT ang kabuuang halagang nagastos at balak pang gastusin sa national broadband backbone, mula Phase 1 hanggang 6. Napag-usapan na raw nila ito ng ibang senador.

Ayon kay Assistant Secretary Pinky Jimenez, P667 milyon lang ang pondo ng National Broadband Program ngayong 2026, karamihan para sa maintenance ng Phase 1 hanggang 3. Kaya sinusuportahan ito ng Philippine Digital Infrastructure Project na pinopondohan ng World Bank, na may P3.2 bilyon ngayong taon.

Sa 2027 National Expenditure Program, panukalang P1.129 bilyon ang para sa broadband program at P2.140 bilyon ang para sa World Bank project. Target ng proyekto ang anim na island gateway at last-mile connectivity sa 10,259 paaralan, ospital, tanggapan ng gobyerno at iba pang pampublikong serbisyo.

Pinasusumite rin ng senador ang buong gastos sa data center ng gobyerno. P900 milyon ang nasa panukalang 2027 budget, habang karagdagang hiling umano ang P2.5 bilyon. Gusto niyang malaman ang halaga ng isang center, ang nagastos na, ang kakailanganin pa, at kung kailan ito gagana.

Tanong din ni Cayetano kung mas makabubuti ba ito kaysa taon-taong magbayad sa mga global provider na nagbibigay rin ng seguridad. Nag-aalala rin siya kung kaya ng gobyerno na panatilihin at bantayan ang sariling sistema.

Ayon kay Undersecretary David Almirol, naitayo na ngayong taon ang unang data center ng DICT sa Subic. Target umanong ilipat doon ang 20 porsiyento ng 30 digital platform ng ahensiya sa 2027.

Bukas pa rin daw ang DICT sa “co-development” kasama ang mga pribadong provider, at gagamitin ang bahagi ng pondo ng E-Governance Act para itaas ang sahod ng mga IT expert.

May bagong P1.837 bilyong programa sa 2027 para ipatupad ang E-Governance Act, o Republic Act 12254, ayon kay Almirol.

Mananatili sa P5 bilyon ang free public Wi-Fi sa 2027. Hanggang Agosto 31, umabot na ito sa 11.7 milyong benepisyaryo mula sa target na 15.8 milyon.

Iginiit ni Cayetano na hindi lang pang-libangan ang libreng Wi-Fi dahil nakakatulong ito sa edukasyon, kalusugan at sa mga anak ng OFW.

“Kahit sabi mong kwentuhan lang yun, pero that’s kwentuhan that a child needs,” aniya.

Humihingi naman ang DICT ng P6 bilyon mula sa free internet access fund para sa Bayanihan SIM sa 2027, ayon kay Jimenez. Layon nitong ituloy ang serbisyo sa humigit-kumulang 1 milyong kasalukuyang user at madagdagan ng 1.8 milyong estudyante sa mga state university at college. Walang pondo ang proyekto ngayong 2026, at 879,559 SIM na ang naipamahagi hanggang Agosto.

Sinabi ni Sen. JV Ejercito, chairman ng Committee on Finance, na maraming ahensiya ang nabawasan ng budget dahil sa limitadong fiscal space. Hiniling niya sa DICT na tukuyin ang mga programang lubhang tatamaan.

Umabot sa P3.77 bilyon ang kita ng National Telecommunications Commission sa unang anim na buwan ng 2026, o 52 porsiyento ng P7.16 bilyong target, ayon kay NTC Commissioner Ella Blanca Lopez. Nakalaan umano ang spectrum user fee para sa free Wi-Fi program ng DICT, bukod sa iba pa.

Nahuli sa pagdinig si DICT Secretary Henry Rhoel Aguda dahil umano sa isang emergency meeting. Sinabi niyang gagana ang DICT sa ibinigay na budget at magsusumite lang ng karagdagang hiling hangga’t papayagan ng komite, pero tutuparin pa rin ang mga target sa 2027.

Target din umano ng DICT na makapagrehistro ng 100,000 cybersecurity professional, marami ay mula sa criminology at IT. Hiniling naman ni Cayetano na makipag-ugnayan ang DICT sa CHED para maisama ang cybercrime sa kurikulum ng criminology.

Ayon kay Cayetano, walang ibang senador na dadalo. Handa na umano niyang isumite sa plenaryo ang budget ng DICT, at siya mismo ang sasala sa mga karagdagang hiling ng ahensiya habang hinihintay ang mga dokumentong ipinasusumite ng komite.