Dy2

MAJO MARCOS: PAMAHALAAN, TINUPAD ANG PANGAKO SA LIBRENG EDUKASYONG PANGKOLEHIYO

Mar Rodriguez Sep 24, 2026
136 Views

IGINIGIIT ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos na tinutupad ng pamahalaan ang pangako nito sa mga State Universities and Colleges (SUCs) sa buong bansa kaugnay ng “Free Higher Education”.

Nakiisa si Marcos sa mga lider ng pamahalaan at mga pamantasan sa Andaya Hall para sa Affirmation of Compliance and Commitment to Settle the Free Higher Education Deficiency, na kumakatawan sa pagkumpleto ng pamahalaan sa obligasyon nito sa mga SUC.

Bahagi ng programa ang simbolikong turnover para sa pag-aayos at pagbabayad sa mga na-validate na kakulangan sa pondo para sa libreng edukasyong pangkolehiyo na naitala ng mga SUC noong Academic Years 2022–2023, 2023–2024, at 2024–2025 alinsunod sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Sa kabuuang ₱9.75 bilyong inilaan para sa naturang deficiency, ₱6.6 bilyon na ang naproseso at nakahanda nang ilabas. Makikinabang dito ang 81 sa 104 State Universities and Colleges sa Luzon, Visayas at Mindanao.

“Today is more than a symbolic turnover. Today the government is keeping its word,” ayon kay Marcos.

Sinabi ni Marcos na mahalagang panatilihin ng pamahalaan ang edukasyon bilang isa sa mga pangunahing prayoridad ng bansa. Nagpasalamat din siya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at sa mga opisyal at ahensiyang nagtulungan upang maisakatuparan ang naturang commitment.

Kabilang sa kanyang pinasalamatan sina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, Appropriations Committee Chairperson Mikaela Angela B. Suansing, Higher and Technical Education Committee Chairperson Jude Acidre, Acting DBM Secretary Kim Robert C. De Leon, at CHED Chairperson at UniFAST Board Chairperson Dr. Shirley C. Agrupis, gayundin ang mga kasamahan sa Kongreso, CHED at UniFAST.

Binigyang-diin ng Majority Leader na dapat magsilbing paalala ang programa sa pangunahing tungkulin ng pamahalaan—ang pagtupad sa mga obligasyong ipinangako at ang paggawa lamang ng mga pangakong handang nitong panindigan.

Iginiit din nito na walang dapat ituring na “maliit” o “malaking” paaralan dahil bawat SUC ay may malaking ambisyon para sa mga estudyanteng kanilang pinaglilingkuran.

Ayon kay Marcos, kailangang maging patas at makatarungan ang pamamahagi ng mga resources upang walang paaralan at walang Pilipinong estudyante ang maiwan.

Hindi lamang umano mga benepisyaryo ng pondo ng gobyerno ang SUCs kundi mga kasosyo ng pamahalaan sa nation-building.

Binigyang-diin ni Marcos na bawat silid-aralan na napopondohan, bawat gurong nabibigyan ng suporta at bawat estudyanteng nakapagtatapos ay naglalapit sa bansa sa mas maunlad na kinabukasan.

Ayon pa sa kaniya, ang pamumuhunan sa edukasyon ay hindi lamang pagpopondo sa mga paaralan kundi pagpopondo sa mga pangarap, paglikha ng oportunidad at paghahanda sa kinabukasan ng bansa.

Sinabi rin ni Marcos na hangga’t may Pilipinong nagnanais matuto, kailangang patuloy na humanap ang pamahalaan ng mga paraan upang matulungan silang makapagtapos at magtagumpay.

Dumalo rin sa programa sina Speaker Dy, CHED Chairperson Dr. Shirley C. Agrupis, Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Fernandez at House Appropriations Committee Chairperson Mikaela Suansing.