Calendar
Lacson: Pasya ng SC patunay na reorg ng Senado noong June 3 legal
PATUNAY ang pagbasura ng Korte Suprema sa petisyon laban sa sesyon ng Senado noong Hunyo 3 na nasa “solid legal ground” ang 12 senador na nagpatalsik kay Alan Peter Cayetano bilang Senate President, ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson.
Sa en banc resolution na may petsang Agosto 26, ibinasura ng Korte Suprema ang petition for certiorari ng mga abogadong sina Valeriano Loon at Zigfred Diaz dahil sa “failure to show sufficiently that the respondents committed grave abuse of discretion in holding a session on June 3, 2026, which, on the contrary, appear to be in accord with the facts and applicable law and jurisprudence.”
Lumabas lamang sa publiko ang resolusyon noong Huwebes, Oktubre 1, nang i-post ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang kopya nito sa social media. G.R. No. E-07032 ang numero ng kaso.
Isa si Lacson sa 12 senador na pinangalanang respondent sa petisyon. Kabilang din sa mga respondent sina Senate Secretary Renato Bantug Jr. at Sergeant-at-Arms Alfred Corpus.
Sa sesyon noong Hunyo 3, sumama si Senador Francis “Chiz” Escudero sa 11 miyembro ng noo’y minority, kaya naging 12 ang dumalo. Bago nito, hindi makapagsesyon ang Senado dahil hindi dumadalo ang noo’y majority. Dahil dito, nawalan ng quorum ang kapulungan.
Ipinaliwanag ni Lacson na 22 senador ang ginamit na batayan sa pagbilang ng quorum. Wala raw kasi sa “coercive power” ng Senado sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Jose “Jinggoy” Estrada, batay sa desisyon ng Korte Suprema noong 1949 sa Avelino v. Cuenco (G.R. No. L-2821).
Ayon sa tanggapan ni Lacson, nagtatago noon si dela Rosa dahil sa arrest warrant ng International Criminal Court kaugnay ng war on drugs ng administrasyong Duterte. Inaresto naman si Estrada noong Hunyo 1 sa bisa ng warrant ng Sandiganbayan sa kasong plunder kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.
Dahil may quorum, idineklarang bakante ng 12 senador ang mga posisyon sa liderato. Tinanggal nila si Cayetano at inihalal si Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at acting presiding officer. Bumalik naman si Senador Juan Miguel Zubiri bilang majority leader.
Iginiit ni Lacson na hindi agad inihalal ng grupo si Gatchalian bilang Senate President. Hindi bababa kasi sa 13 boto ang hinihingi ng Konstitusyon para rito.
“We didn’t elect him as SP because the Constitution was clear that we needed at least 13 members to elect but not to remove a sitting Senate President,” wika niya.
Nahalal si Gatchalian bilang Senate President noong Hunyo 17 sa special session na ipinatawag ni Pangulong Marcos, kung saan 13 senador ang dumalo. Bago magsimula ang sesyon, kinilala na ni Cayetano na hawak na ng kabilang grupo ang sapat na boto. Tinawag noon ng kanyang mga kaalyado na ilegal at “rump” session ang nangyari noong Hunyo 3.
Sa pahayag noong Huwebes, sinabi ni Gatchalian na walang nakitang batayan ang korte para kuwestiyunin ang pagdaraos ng naturang sesyon.
