MPD Ginawaran ni MPD Director PBGen. Arnold Santiago ng Medalya ng Papuri si PLt. Col. Norman Patnaan, hepe ng Malate Police Station 9, bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa pag-aresto sa isang Most Wanted Person noong Sept. 28. Nakamasid si PCol. Emil Tumibay.

MPD-9 chief Col. Patnaan pinarangalan ng Medalya ng Papuri

Jon-jon Reyes Oct 6, 2026
28 Views

GINAWARAN ng Medalya ng Papuri si PLt. Col. Norman Patnaan, station commander ng Malate Police Station 9, bilang pagkilala sa pag-aresto sa isang Most Wanted Person noong Sept. 28.

Kinikilala ng parangal ang pamumuno at dedikasyon ng pulis sa epektibong pagpapatupad ng mga operasyon sa pagpapatupad ng batas pati na ang sama-samang pagsisikap ng mga tauhan ng Malate Police Station.

Nahuli ng mga operatiba ng MPD Malate Police ang naturang suspek na kabilang sa most wanted sa station level at Top 5 most wanted sa district level at nai-pubilish sa People’s Tonight, Journal News Online at PJI/People’s Journal Tonight.

Nakilala ang suspek na si alyas Fred, 40, na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of firearms).

Nahuli ang suspek sa tabi ng Malate Catholic Church sa San Andres St., Malate, Manila.

Ayon kay Patnaan, bandang alas-2:30 ng hapon ng ikasa ang operasyon ng mga operatiba ng Warrant Section sa pamumuno ni PLt. Arvin Calub, chief ng SIDMB/Warrant and Subpoena Section.

Binigyang-diin ng pagkilalang ito ang kanilang propesyonalismo, pagtutulungan, pagiging mapagmatyag at walang humpay na pagsisikap sa pagtugis sa mga taong may pananagutan sa batas.

Nagsisilbi rin itong pagkilala sa gabay ng station commander at sa dedikasyon ng mga tauhan sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin.

Pinuri ni MPD Chief PBGen. Arnold C. Santiago ang kanyang mga kapulisan sa pamumuno ni PLt. Col. Patnaan.