Cemetery

Mga panuntunan sa mga magtutungo ng maaga sa Manila South Cemetery, inilabas

Edd Reyes Oct 6, 2026
23 Views

MAAGANG nagpaalala ang pamunuan ng Manila South Cemetery sa mga bibisita upang dalawin ang kanilang namayapang mahal sa buhay sa nalalapit na Undas.

Sa abiso ng pamunuan ng naturang Kampo Santo, ngayon pa lang ay ipinagbabawal na sa mga magtutungo sa loob ng sementeryo ang pagdadala sa kanilang alagang hayop, ilegal na droga, alak, at ilegal na armas.

Hindi na rin papayagan ang paninigarilyo, pagsusugal, at paggamit ng loudspeaker, videoke, at iba lang instrumentong nakakalikha ng ingay at nakakabulahaw sa taimtim na pag-aalay ng panalangin ng iba pang bumibista at dumadalaw sa kanilang namayapang kaanak.

Nanawagan din si Manila South Cemetery Director Raffy Mendez sa lahat na makiisa sa pagpapanatili ng kaayusan, kalinisan at katahimikan sa loob ng sementeryo at mangyari lamang na sundin ang mga alituntunin para sa maayos at ligtas na pagdalaw.

Maglalabas ng panibagong abiso si Director Mendez, gayundin si Manila North Cemetery Director Daniel “Dan-Dan” Tan para naman sa iskedyul ng paglilinis ng puntod ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay bago pa man sumapit ang Undas.