Calendar

Abalos pinanguhan dayalogo kasama DA, NFA, magsasaka
PINANGUNAHAN ni dating Interior Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang isang dayalogo kasama ang mga kinatawan ng Department of Agriculture (DA), National Food Authority (NFA), Magsasaka Partylist, at mga magsasaka upang talakayin ang mga hamon na kinakaharap ng sektor at maglatag ng mga praktikal na solusyon.
“Importante sa isang bansa ang mayroong pagkain at ang nagpapakain sa ating bansa ay kayong mga magsasaka. Kaya dapat lamang na makinig at pakinggan ang mga problema at isa-isahin natin kung paano ito masosolusyunan,” ipinahayag ni Abalos sa mga nagtipong magsasaka.
Para kay Abalos, malinaw ang solusyon: bigyang kapangyarihan ang National Food Authority (NFA) na direktang bumili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka sa makatarungang presyo at agad itong ibenta, sa halip na pigilan ng kasalukuyang Rice Tariffication Law ang kakayahan ng ahensya na epektibong suportahan ang sektor ng agrikultura.
Iginiit ni Abalos na ang umiiral na Rice Tariffication Law o Republic Act No. 11203 ay naglilimita sa mandato ng NFA sa pagpapanatili ng emergency buffer stock na kinukuha lamang mula sa mga lokal na magsasaka. Dahil dito, ayon sa kanya, nababawasan ang kakayahan ng ahensya na makapagbigay ng sapat na tulong sa mga magsasaka at sa kabuuang industriya ng bigas.
Dagdag pa ni Abalos, mas pinalalala pa ng mga mapagsamantalang negosyante ang sitwasyon sa pamamagitan ng pagmamanipula sa presyo ng bigas, gamit ang butas sa kasalukuyang sistema.
“What’s wrong here are those who manipulate rice prices. That’s not right.”
Binigyang-diin ni Abalos na mahalaga ang pagbabalik ng kapangyarihan ng NFA na bumili ng bigas sa makatarungang presyo at direktang ipamahagi ito sa publiko upang matiyak ang seguridad sa pagkain at pagiging abot-kaya ng presyo para sa lahat.
“Rice tariffication needs to be amended. The NFA should have the authority to purchase palay from farmers and sell it to the public regularly. Food sustainability and security can only be achieved if we support our farmers,” saad ni Abalos.
Bilang paggunita sa nakaraan, idinagdag pa niya: “Noong may kapangyarihan pa ang NFA na bumili ng palay mula sa mga magsasaka at magbenta ng bigas sa merkado, hindi ba’t abot-kaya ang presyo ng bigas ng NFA? Iyan ang nais nating maibalik, kaya kailangang amyendahan ang Rice Tariffication Law.”
Nangako rin si Abalos na ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng mga kinakailangang amyenda sa Rice Tariffication Law sakaling siya ay mahalal sa Senado.
“Itong araw na ito, huwag kayong mag-alala, alam ko po galing pa kayo sa malayong lugar, pero itong araw na ito ay nagkaisa itong grupo ng mga magsasaka at ang grupo ng gobyerno – ang DA at NFA. Ako naman kung ano ang maitutulong ko dahil iyan ang aking adbokasiya. Kung papalarin akong maging senador, itutuloy ko ang laban sa Senado,” pahayag ni Abalos.
Kabilang sa mga panukalang amyenda na sinusuportahan ni Abalos ang pagbili ng milled rice mula sa mga kooperatiba ng mga magsasaka at mga lokal na pamahalaan (LGUs) na may sariling rice processing centers. Isinusulong din niya ang integrasyon ng contract farming bilang pangunahing bahagi ng operasyon ng NFA—mga hakbang na, ayon sa kanya, magpapalakas sa kakayahan ng ahensya na suportahan ang mga magsasaka habang tinitiyak ang abot-kayang presyo ng bigas para sa mga mamimili.
Ipinahayag naman ni dating Kalihim ng Agrikultura Leony Montemayor ang kanyang pakikiisa sa adbokasiya ni Abalos, at sinabi niya: “Kami po ay kasama po ninyo sa aming mga hangarin lalo na po sa pagbabago ng mga sistema ng ating mga palayan lalo na po at kasama natin si Secretary Abalos. Magtutulungan po tayo nang husto para yung mga dapat baguhin sa RTL.”
Pinuri rin ni Atty. Argel Cabatbat ng Magsasaka Partylist si Abalos dahil sa direktang pakikipag-ugnayan nito sa komunidad ng mga magsasaka.
“Farmers are looking for allies not only in Congress but especially in the Senate. We can’t find anyone willing to face the farmers and come down here. That’s why we are grateful that Secretary Abalos attended this dialogue,” ani ni Cabatbat sa mga Pilipino.