NCRPO

Abrahano: Mga pekeng pari nag-aalok ng dasal, basbas, serbisyo sa mga sementeryo

Edd Reyes Oct 27, 2026
22 Views

HINIMOK ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano ang publiko na mag-ingat sa mga nagpapanggap na pari na nag-iikot sa mga sementeryo ngayong Undas.

Ayon kay BGen. Abrahano, ginagawang raket ng mga nagpapanggap na pari ang pag-aalok ng mga mga panalangin, basbas, o iba pang serbisyong pang-relihiyon para sa mga yumaong mahal sa buhay kapalit ng ibabayad sa kanilang salapi.

“Undas is a sacred and meaningful occasion for our families to remember and honor our departed loved ones. We appeal to everyone not to allow their emotions and trust to be exploited by individuals who may use religious representation as a means to obtain money,” pahayag ng NCRPO Chief.

Dagdag niya, inaasahan na libo-libong pamilya ang bibisita sa mga sementeryo, memorial park, at columbarium sa buong Metro Manila sa Nobyembre 1 at 2 kaya dapat maging mapagmatyag ang publiko laban sa mga mapagsamantalang indibidwal na gagamitin ang okasyon para sa pansariling pakinabang.

Ipinaalala ng NCRPO na ang mga lehitimong serbisyong pang-relihiyon at gawaing may kaugnayan sa pananampalataya ay karaniwang isinasagawa sa koordinasyon ng mga kinikilalang parokya, diocese, simbahan, o pamunuan ng mga sementeryo kayat kailangang maging maingat laban sa mga indibiduwal na namimilit na magbayad agad, nagtatakda ng sapilitang halaga ng bayad, o nagiging agresibo kapag kinukuwestiyon ang kanilang pagkakakilanlan o awtoridad.

Hinikayat din niya ang mga bumibisita sa mga sementeryo na ireport ang mga kahina-hinalang indibidwal sa pinakamalapit na pulis, Police Assistance Desk, security personnel ng sementeryo, o himpilan ng pulisya sa kanilang lugar at tandaan ang mga pagkakakilanlan at iba pang mahahalagang detalye ng mga kahina-hinalang indibidwal na maaaring makatulong sa beripikasyon at imbestigasyon ng mga awtoridad.