Acidre1

ACIDRE: PISA 2025 RESULTA, NAKAKATUWANG PAG-UNLAD PERO DAPAT IPAGPATULOY ANG MGA REPORMA SA EDUKASYON

Mar Rodriguez Sep 10, 2026
15 Views

NAGBIGAY ng positibong pananaw si TINGOG Party List Rep. Jude A. Acidre sa inilabas na resulta ng “2025 Programme for International Student Assessment (PISA)” kasabay ng panawagan na ipagpatuloy at palakasin ang mga reporma sa edukasyon upang matugunan ang mga learning gap ng mga Pilipinong mag-aaral.

Ayon kay Acidre, kapansin-pansin ang pag-unlad ng mga Filipino learners kumpara sa resulta noong 2022. Nakapagtala ang Pilipinas ng 17 puntos na dagdag sa Science, 16 puntos sa Mathematics at 20 puntos sa Reading. Bumuti rin ang posisyon ng bansa kumpara sa ilang kalahok na bansa sa tatlong larangan.

“Mahalagang kilalanin ang pag-usad na ito. Ipinapakita ng mga resultang ito na posible ang progreso kapag ipinagpapatuloy ang mga reporma, nagtutulungan ang mga institusyon, at nabibigyan ng kinakailangang suporta ang ating mga guro, paaralan, pamilya at komunidad,” sabi ni Acidre.

Gayunman, sinabi ng kongresista na hindi dapat mauwi sa pagkakampante ang positibong resulta dahil ipinapaalala rin nito kung gaano pa karami ang kailangang gawin upang mapabuti ang sistema ng edukasyon.

Bilang chairperson ng House Committee on Higher and Technical Education, binigyang-diin ni Acidre na marami sa mga problemang nararanasan ng mga estudyante sa kolehiyo ay nagsisimula pa bago sila makarating sa higher education.

Ayon sa kaniya, ang mga kakulangan sa pagbasa, pag-unawa, matematika at agham na hindi natutugunan sa mga unang taon ng pag-aaral ay maaaring makaapekto sa performance ng mga mag-aaral sa kolehiyo, trabaho at maging sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

“Ang batang nahihirapang bumasa at umunawa ngayon ay maaaring maging estudyanteng nahihirapang makasabay sa kolehiyo bukas. Ang mag-aaral na hindi nagkakaroon ng matibay na pundasyon sa matematika at agham ay dadalhin ang kakulangang iyon hindi lamang sa higher education kundi maging sa trabaho at pang-araw-araw na buhay,” pahayag nito.

Dahil dito, iginiit ni Acidre na hindi maaaring sa kolehiyo lamang magsimula ang reporma sa edukasyon.

“Kung nais nating dumating ang bawat kabataang Pilipino sa kolehiyo na handang matuto, handang makipagsabayan, at may tunay na pagkakataong magtagumpay, kailangan nating tiyakin na matatag ang pundasyon ng kanilang pagkatuto mula pa sa simula,” aniya.

Sinabi pa ni Acidre na ang ganitong pananaw ang naging gabay din sa mga gawain ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).

Sa pamamagitan ng pananaliksik, konsultasyon at pakikipag-ugnayan sa mga education agencies, Kongreso, guro, school leaders, researchers at iba pang stakeholders, mas malinaw umanong nakita ng EDCOM II na magkakaugnay ang mga hamon sa iba’t ibang antas ng edukasyon.

Ayon kay Acidre, ang nangyayari sa early childhood at basic education ay may epekto sa higher education, technical-vocational training, employment at maging sa mas malawak na ekonomiya.

Dahil dito, layunin ng mga reporma na tingnan ang edukasyon bilang **isang tuloy-tuloy na learner journey**, sa halip na magkakahiwalay na antas.

Sinabi rin ng mambabatas na kaparehong pananaw ang gumagabay sa mga education initiatives ng TINGOG Party-list.

Kabilang dito ang pagpapalawak ng access sa learning materials at digital resources, suporta sa mga guro at mag-aaral, pagtulong sa mga paaralan sa Last Mile at geographically isolated communities, pagpapahusay ng education pathways at pagpapalakas ng partisipasyon ng mga pamilya at komunidad sa edukasyon ng mga bata.

“Magkakaiba ang mga pangangailangang tinutugunan ng mga pagsisikap na ito, ngunit iisa ang kanilang prinsipyo: kung nais natin ng mas magandang resulta sa dulo ng edukasyon ng isang mag-aaral, kailangan nating palakasin ang suportang natatanggap niya sa bawat yugto ng kanyang paglalakbay,” ani Acidre.

Kinikilala rin ni Acidre ang kontribusyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Department of Education sa ilalim ni Secretary Sonny Angara, EDCOM II at Secretariat nito sa pangunguna ni Executive Director Karol Mark Yee, House Committee on Basic Education and Culture Chairperson Roman Romulo, Speaker Bojie Dy at House leadership, mga mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso, gayundin ng mga education leaders, researchers, guro, pamilya at iba pang stakeholders.

Para kay Acidre, ang pag-unlad sa PISA 2025 ay dapat magsilbing inspirasyon upang higit pang pagbutihin ang sistema.