Acidre

Acidre sa Catholic schools: Papel sa pagtugon sa krisis sa pagkatuto gampanan

Mar Rodriguez Sep 27, 2026
120 Views

NANANAWAGAN si House Committee on Higher and Technical Education Chairperson at EDCOM II co-chairperson at TINGOG Partylist Rep. Jude Acidre sa mga Katolikong paaralan na gampanan ang papel nila sa pagtugon sa krisis sa pagkatuto sa bansa.

Hindi maaaring ipaubaya lamang sa mga ahensya ng pamahalaan ang paglutas sa learning crisis, ayon sa mambabatas.

May pananagutan din ang mga paaralan, pamilya, komunidad at simbahan na hubugin ang mga kabataang marunong maghanap ng katotohanan, gumawa ng tamang pagpapasya at gamitin ang kanilang edukasyon sa paglilingkod sa kapwa.

Inilahad ni Acidre ang panawagan sa harap ng mahigit 3,500 guro, edukador at iba pang stakeholders na dumalo sa 2026 National Convention ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) noong Setyembre 22-25 sa Waterfront Hotel sa Cebu City.

Ang tema ng pagtitipon ay “Newness in Catholic Education: Charting a Constellation of Hope.”

Sa kanyang talumpati na pinamagatang “The Future of Catholic Education in the Philippines,” sinabi ni Acidre na kailangang balikan ng mga Katolikong paaralan ang kanilang pangunahing misyon, ang paghubog sa buong pagkatao ng mga mag-aaral.

Binigyang-diin ni Acidre na lalong nagiging mahalaga ang misyong ito sa panahon ng artificial intelligence (AI), misinformation at deepfakes.

Hindi sapat na matutunan lamang ng mga kabataan kung paano maghanap ng impormasyon, sabi ng partylist solon.

Kailangang matuto rin silang magtanong, magsuri, mag-verify, kumilatis at hanapin kung ano ang tunay at tama.

Ngunit sinabi ng mambabatas na hindi dapat magtapos sa kaalaman ang edukasyon dahil kailangang mahubog din ang karakter at pananagutan ng mga kabataan upang hindi lamang personal na tagumpay ang kanilang hangarin kundi maging ang paglilingkod sa kapwa.

“Hindi dapat nagtatapos sa mga ideya ang paghubog. Ang ating itinuturo at hinuhubog sa silid-aralan ay kailangang maisabuhay sa mundo,” ang pahayag ni Acidre.

Batay sa kanyang trabaho sa Kongreso at EDCOM II, sinabi ni Acidre na napakalawak ng problema sa pagkatuto kaya kinakailangan ang sama-samang pagkilos.

Binigyang-diin din nito na kailangang lampasan ang tradisyonal na pagkakahati sa pagitan ng pampubliko at pribadong edukasyon.

“Iisa lamang ang sistema ng edukasyon ng Pilipinas. Ang mga pampubliko at pribadong paaralan ay hindi magkahiwalay na sistema na may magkahiwalay na misyon,” dagdag ng kongresista.

Ibinahagi rin ni Acidre ang ilang repormang isinulong niya sa Kongreso, kabilang ang Republic Act No. 12325 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong buwan.

Layunin ng batas na amyendahan ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act upang mapalakas ang suporta para sa mga kwalipikadong disadvantaged students na kumukuha ng higher education at technical-vocational training sa mga pribadong institusyon.